10 kabataan, pinarangalan sa kauna-unahang Outstanding Kabataang Sinasajan 2019

Sampong mga natatanging kabataan ng Barangay Sinasajan na nagpamalas ng kanilang mga natatanging kagalingan sa larangan ng akademya, sports, youth leadership, community service at professionalism ang binigyang parangal at pagkilala sa ginanap na kauna-unahang Outstanding Kabataang Sinasajan 2019 sa bayan ng Peñaranda, noong sabado, August 24, 2019.

Ang pagbibigay ng parangal ay programa ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Sinasajan sa pangunguna ni SK Chairperson Jerome Ramos at sa pakikipagtulungan ng kanilang Punong Barangay na si Rodel Abesamis, bilang bahagi ng kanilang pakikiisa sa International Youth Day.

Pinili ang mga pinarangalan sa pamamagitan ng mga ipinasang listahan ng mga achievements, certificates at awards na natanggap ng mga ito.

Pinarangalan si Cherryne M. Gapac sa Professionalism Category, sa Sportsmanship Category ay binigyang pagkilala sina Cielo Ann Marie Tapang at Cherry Mae Tapang, iginawad naman kina Jennifer M. Del Valle at Mialyn D. Gulmayo ang Youth Leadership award, habang sa Academic Excellence award ay tinanggap naman nina Camille Jenny Rose A. Rivero, Kenrick T. Consul, Reign Nicole M. Mabalay, Julia Pauline G. Mabalay, at Piel Angel J. Bajacan.

Nakatanggap ang mga awardees ng certificates, medals at cash prize mula sa mga Barangay Officials. Plano na rin umano nilang gawin taun-taon ang pagbibigay pagkilala sa mga natatanging kabataan sa nasabing barangay.

Sa mensahe ni Kapitan Abesamis, hinikayat nito ang mga awardees at maging ang Sangguniang Kabataan ng kanilang barangay na magpatuloy sa magandang adhikain upang makapagbigay ng inspirasyon at karangalan para sa kanilang lugar at kapwa kabataan.

Kaugnay ng pagtitipon ay inulat na rin ni SK Chairperson Ramos ang iba pa nilang mga proyekto para sa mga kabataan tulad ng Anti-illegal drugs Awareness Campaign “Yes to God, No to Drugs”, Basketball League, Youth’s Free printing at ibinalita rin nito ang planong paglalagay ng e-library na makatutulong aniya sa mga kabataang mag-aaral sa kanilang barangay.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *