112 Farm Equipment, ipinagkaloob sa mga magsasaka sa Nueva Ecija

     Pinangunahan ni Governor-Elect Cherry Domingo Umali ang pagkakaloob ng sertipikasyon sa mahigit syamnapung Kooperatiba at Samahan ng mga magsasakang Novo Ecijano bilang patunay ng pagiging benipisyaryo ng Farm Mechanization Program ng Department of Agriculture at Nueva Ecija Provincial Government.

     Sa ilalim ng naturang programa ay ipinagkaloob sa mga magsasaka ang 112 Farm Equipment kung saan 10% lamang ng kabuuang halaga ng bawat makinarya ang kanilang binayaran.

     Ang mga makinaryang pambukid na ito ay kinabibilangan ng Combine Harvester Thresher, Mini 4WD Tractor, 10 units (Kubota-35 hp), 10 units (Kyoti-41 hp), 5 units (Ford-41 hp), Hand Tractor with Trailer, Rice Thresher, Rice Transplanter at Rice Reaper.

     Ayon kay Provincial Agriculturist Serafin Santos, layunin ng programa na makapagbigay ng abot-kayang serbisyo para sa mga magsasaka upang matulungan ang mga itong mapataas ang kanilang mga kita.

     Inihayag naman ni Incoming Governor Cherry sa nasabing pagpupulong, na bibigyan nito ng prayoridad ang pagsasaka upang muling manguna sa produksyon ng palay sa buong bansa.

     Nilinaw din ng Gobernadora na hindi doon natatapos ang programa ng DA at ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mga magsasaka dahil isinasaayos na aniya ang 2017 budget para sa iba pang programang pang-Agrikultura.

     Sinabi naman ni Provincial Agriculturist Santos na hindi umano naapektuhan ng El Niño ang Agrikultura ng probinsya dahil mayroong sapat na tubig ang Pantabangan Dam upang mapatubigan ang mahigit dalawang daang libong ektaryang bukirin sa Lalawigan.

     Lubos na pinasalamatan ng mga magsasaka ang pagtugon ng Ahensya ng Agrikultura at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa kanilang pangunahing suliranin sa pagsasaka.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *