120 days expanded maternity leave, aprubado na sa senado

Masayang masaya ang working mommy na si Diana Rubia matapos mabalitaan na aprubado na sa senado ang Expanded Maternity Leave.

Good news rin para kay Esther Pineda ang pagkakapasa ng panukala.

Ayon sa kanya, sa pamamagitan nito ay mas mabibigyan ng mahabang panahon ang pag-aalaga ng mga nanay sa kanilang mga sanggol.

Sina Diana at Esther ay ilan lamang sa napakaraming manggagawang kababaihan sa Pilipinas na mabebenepisyuhan ng Senate Bill 1305 o mas kilala bilang Expanded Maternity Leave Bill na naglalayong dagdagan ang araw ng paid maternity leave.

Sa nasabing panukala, mula sa kasalukuyang 60 days, ay magiging 120 days na ang paid maternity leave at karagdagang 30 days para sa mga solo working mothers.

Maaari pa itong i-extend hanggang 150 days pero hindi obligado ang mga kumpanya na bayaran ang karagdagang 30 days leave.

Ang naturang panukalang batas ay akda ni Chair of the Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na si Senator Risa Hontiveros.

Aniya, taong 1992 pa huling nadagdagan ang bilang ng maternity leave sa bansa. 

Dagdag pa niya, ito ay  “new generation bill” na tutugon  sa pre at post-natal health needs ng iba’t ibang naghahanap-buhay na ina at araw-araw na hinaharap ang modernong pamilyang Pilipino.

Kapag lumusot sa kamara, kailangan pa itong maaprubahan sa Bicameral Conference Committee bago ipasa sa pangulo para malagdaan at tuluyang maisabatas. – ULAT NI JANINE REYES.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *