13 munisipalidad sa lalawigan, idineklara na bilang persona non-grata ang CPP-NPA terrorist

Sa presentasyon ni Col. Joseph Norwin Pasamonte, Deputy Brigade Commander ng 703rd Infantry Brigade, 7th Division, Philippine Army sa Joint Meeting ng Local Special Bodies and Other Councils iniulat nito na labingtatlong munisipalidad na ditto sa Nueva Ecija ang nagdeklarang persona non-grata ang CPP-NPA o Communist Party of the Philippines – New People’s Army Terrorist.

Ang mga bayan na tinukoy nito ay ang Guimba, Nampicuan, Quezon, Sta. Rosa, Sto. Domingo, Licab at Zaragoza sa ilalim ng 69th Infantry Battalion.

Mga bayan naman ng Laur at Gabaldon sa ilalim ng 91st IB habang Lupao, Pantabangan at Carranglan naman sa ilalim ng 84th IB.

Bukod din aniya sa labintatlong munisipalidad ay mayroon na ding dalawampu’t siyam na barangay dito sa lalawigan na nagdeklara din sa mga NPA bilang persona non grata o pag-ayaw sa mga ito.

Habang sa bayan naman ng Cuyapo at Llanera ay nakapagpasa na ng resolusyon at hininhintay na lamang ang pirma ng ibang miyembro ng Sangguniang Bayan at MPOC o Municipal Peace and Order Council.

Ayon kay Col. Pasamonte, bukod sa pag-ayaw ng mga nabanggit na bayan at ilang barangay sa lalawigan sa NPA ay patuloy pa rin ang kanilang mga pagmo-monitor at operasyon katuwang ang kapulisan upang tuluyang mapahina ang pwersa ng mga komunistang grupo dito sa probinsya.

Kaugnay nito, para sa 3rd quarter ng taon ay siyam na combat operation na aniya ang kanilang isinagawa upang maprotektahan ang mga sibilyan laban sa mga gerilya at hindi mahikayat na umanib sa mga ito, na nagresulta din ng pagsuko ng isang miyembro ng KLG o Komiteng Larangang Gerilya sa Sierra Madre at pagkakakumpiska ng dalawang armas.

Bahagi pa rin ng kanilang operasyon ang pagsasagawa ng pitong community support program sa iba’t ibang panig ng  Nueva Ecija. Ulat ni Jessa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *