14 anyos na lalaki, nalunod sa Peñaranda

Nalunod ang isang 14 anyos na lalaki matapos madulas at tangayin ng umaagos na tubig sa Penaranda River, Brgy Sinasajan, bandang ala-una ng hapon, noong linggo, August 12, 2018.

Ayon kay German Del Rosario, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Peñaranda, ay nakita ng dalawang batang nakasaksi na tumutulay ang binatilyo sa ibabaw na bahagi nang aksidente itong madulas. Sa pagtayo ng biktima ay muli itong nadulas at tuluyan ng nahulog sa umaagos na tubig ng Peñaranda River at hindi na nakita.

Kinilala ang biktima na si Alfredo Madrid, isang pipi na residente ng naturang barangay.

Sa pahayag ni Alexander Madrid, ama ng binatilyo, may mga pagkakataon talagang lumilibot ang kaniyang anak sa pinangyarihan ng insidente . Ngunit, lagi niya itong pinagbabawalan na pumunta doon.

Hiling nito na sana ay makita na ang katawan ng kaniyang anak.

Magkatuwang naman na nagsasagawa ng Rescue at Retrieval Operation ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Peñaranda upang makita ang biktima.

Ayon kay Michael Calma, ng PDRRMO Nueva Ecija, hindi sila titigil sa pagsasagawa ng operasyon at pagmomonitor hanggat hindi narerecover ang katawan ng binatilyo.

Maituturing umano na tourist spot ang upstream at downstream ng dam dahil sa magandang tanawin nito kapag mababa ang tubig.

Ngunit, sa pahayag ni Mayor Ferdinand “Blue Boy” Abesamis, ipinagbabawal nila ang pagpunta doon kapag mataas at lumuluwang na ang tubig na umaagos sa ilog.

Dahil sa ganitong pangyayari, ay binabalak na ng lokal na pamahalaan na maglagay ng harang upang maiwasan na maulit pa ang insidente.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring pinaghahanap ang katawan ng biktima. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *