180 sako ng Malasakit Rice, tinanggap ng mga sundalo ng 7th Infantry Division sa ilalim ng Rice Assistance Program ng PGNE

Sa pangunguna ni Governor Aurelio Umali ay naipamahagi sa mga kasundaluhan ng 703rd Infantry (AGILA) Brigade na nakabase sa Bongabon, 70th Infantry Battalion (CADRE) na nasa Fort Ramon Magsaysay at 84th Infantry (VICTORIOUS) Batallion sa San Jose City, ang 180 sakong bigas na may timbang na 25 kilograms bawat isa sa ilalim ng Rice Assistance Program ng pamahalaang panlalawigan.

Bawat grupo ay nakatanggap ng tig-aanim napung sako ng bigas o may katumbas na aabot sa tatlumpong kaban na bigas.

Ayon kay Governor Umali, sinimulan ang naturang programa sa kanyang termino bilang punong lalawigan na ipinagpatuloy ni dating Governor Czarina Umali at patuloy na isinasagawa bilang pasasalamat sa hindi matatawarang paglilingkod ng mga kasundaluhan na kaagapay ng provincial government sa pagbibigay ng serbisyo sa bayan.

Ani Gov. Umali, kung dati ay sa mga rice millers sila bumibili ng bigas na ipinamamahagi para sa personal consumption at community services ng mga sundalo, ngayon ay ang sariling bigas na ng pamahalaang panlalawigan ang kanilang nagagamit mula sa mga pinamiling palay sa mga lokal na magsasaka ng probinsya.

Sa panayam kay Captain Laurencio Panit Jr., Operations Officer ng 70th Infantry Batallion, ay sinabi nito na malaking tulong para sa mga Civilian Armed Forces Geographical Unit o CAFGU ang buwanang supply ng bigas sa kanila ng provincial government dahil  maliit lamang ang allowances na tinatanggap ng mga ito.

Kabilang naman sa pangunahing makikinabang sa natanggap na bigas ay ang mga tropa ng 84th Infantry Batallion na nadedeploy sa mga malalayong barangay para sa kanilang Community Support Program.

Pasasalamat din ang ipinaabot ng 703rd Infantry Brigade kay Gov. Oyie dahil sa rice assistance na patuloy na ipinagkakaloob sa kanilang hanay na nakatutulong sa kanilang mga operasyon.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *