1,972 na empleyado ng Provincial Government, nakatanggap ng Salary Increase

Ikinatuwa ng mga kawani ng Kapitolyo ang natanggap nilang dagdag sahod matapos ganap na maipatupad ang Third Tranche Compensation Adjustment sa unang buwan ng taon.

Para sa mga empleyado ay malaking tulong ang Salary Increase sapagkat may pandagdag sila para sa kanilang mga gastusin.

Para naman sa mga ibang kawani na nasa salary grade 1 hanggang 10 ang sweldo, kahit maliit aniya ang kanilang naging dagdag sahod dahil nahati sa apat ang pagtaas nito ay malaki naman ang epekto nito kung pagsasama-samahin at madadagdag sa kanilang retirement.

Ayon kay Provincial Budget Officer Randolph Alingig, ang salary increase ay nakabase sa laki ng sahod ng isang empleyado. Aniya, kung ang isang empleyado ay tumatanggap ng P9,981 na sweldo kada buwan madaragdagan ito ng P529. Sa sumatotal, ay pumapatak ng P10,510 ang monthly salary nito.

Pahayag pa nito, P872, 741, 420 ang inilaang pondo para sa Salary Increase ngayong taong 2018. Aniya, ang naturang increase ng mga empleyado ay ayon sa Executive Order No. 201 series of 2016 kung saan magkakaroon ng adjustment sa sweldo na mahahati sa apat na taon, mula taong 2016 hanggang 2019.

Samantala, bukod sa salary increase ay patuloy na makakatanggap ang mga government employee ng mid-year at year-end bonus, cash gift at PEI o Productivity Enhancement Incentive. –Ulat ni Irish Pangilinan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *