1st and 2nd Provincial Mobile Force Company, pormal na iprinisinta ng Nueva Ecija Police Provincial Office

Opisyal ng inactivate ang 1st at 2nd Provincial Mobile Force Company ng Nueva Ecija Police Provincial Office o NEPPO, kahapon, Enero a bente kwatro ng taong kasalukuyan.

Sang-ayon sa Special Order Number 326 na may petsang December 14, 2017 ang Provincial Public Safety Company o PPSC ay binubuwag batay sa Memorandum Circular No. 2017-063 ng National Headquarters, Philippine National Police na nag-uutos na paigtingin ang mga PNP Mobile Forces.

Base sa nabanggit na Memorandum Circular, ang dating PPSC ay pinalitan bilang 1st Provincial Mobile Force Company na binubuo ng isang daan animnapu’t siyam (169) na pulis, na matatagpuan sa Provincial Headquarters, Burgos St. Cabanatuan City, na sasaklaw sa Ikatlo at Ika-apat na Distrito ng Nueva Ecija kabilang ang Bayan ng Aliaga at Zaragoza.

Habang ang 2nd PMFC na binubuo naman ng isang daan apatnapu’t tatlo (143) na pulis ay matatagpuan naman sa Brgy. Puncan, Carranglan na sasakop sa Una at Ikalawang Distrito ng Nueva Ecija maliban sa dalawang nabanggit na Munisipalidad.

Magsisilbing Force Commander ng 1st PMFC si Superintendent Alexander Aurelio, habang sa 2nd PMFC naman si Superintendent Gaston Cafongtan.

Ayon kay Provincial Director Police Senior Superintendent Eliseo Tanding, mananatiling nakatutok sa internal security operations ang dalawang PMFC at magiging katuwang din sa mga high risk operations tulad ng pagseserve ng mga Search at Warrant of Arrest at sa kampanya laban sa iligal na droga.

Dagdag nito, pinaplano pang dagdagan ang PMFC ng Nueva Ecija dahil na rin sa laki ng populasyon nito at sa lawak ng lugar. – Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *