2, 000 Giant Bamboo, itatanim sa ancestral land ng mga Dumagat sa Bayan ng Gabaldon

Pinagtibay sa ika-31 regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, noong September 3, 2020, ang pagpasok sa kasunduan ni Governor Aurelio Umali, Municipality of Gabaldon at Dumagat Indigenous People ng Barangay Malinao ng naturang bayan para sa Giant Bamboo Planting Project.

Layunin nito na magkaloob ang pamahalaang panlalawigan ng 2,000 Giant Bamboo sa mga Dumagat upang itanim sa kanilang ancestral land o lupaing ninuno.

Paliwanag ni Administrative Officer Noramin Santos ng Environment and Natural Resources Office, na bahagi rin ang nasabing proyekto ng kanilang Hill Site Stabilization na hangaring mapayabong ang kapaligiran sa pakikipagtulungan ng mga Dumagat at lokal na pamahalaan ng Gabaldon.

Sa panayam kay Vice Governor Anthony Umali ay sinabi nito na dahil nakakalbo na ang kabundukan sa Gabaldon ay malaking tulong ang pagtatanim ng Giant Bamboo para sa muling pagpapaganda ng Inang Kalikasan at pagpigil sa landslide.

Isa kasi sa problema sa nasabing bayan ang pagguho ng kabundukan ng Sierra Madre kapag sunud-sunod ang dumaraang bagyo.

Kahit nasa gitna ngayon ng pandemya ang mundo anang bise gobernador ay patuloy pa rin ang Sangguniang Panlalawigan sa paggampan sa kanilang tungkulin para sa kapakinabangan ng mga mamamayan.

Matatandaan na sinimulan ang Giant Bamboo Planting Project noong November 6, 2015 sa inisyatibo ni Governor Oyie Umali sa Brgy. Bantug, Gabaldon, Nueva Ecija.— Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *