2 Magna Cum Laude 5 Cum Laude, nagtapos sa ELJ Memorial College

2 Magna Cum Laude at 5 Cum Laude ang nanguna sa ginanap na 10th Commencement Exercises ng 281 students ng ELJ Memorial College na dinaluhan ni Governor Czarina Umali.

Si Jennie Dela Cruz Lopez mula sa Bachelor of Science in Business Administration Major in Financial Management ang nakakuha nang pinakamataas na general weighted average na 1.39 sa 281 mag-aaral na nagsipagtapos.

Kasama ni Jennie bilang Magna Cum Laude si Francis Ronnel D. Baroto ng Bachelor of Science in Accountancy, habang sina Rosanna I. Bueno ng Bachelor of Science in Education Major in Filipino, Jerome C. Urmatan ng Bachelor of Science in Education Major in English, Khyell E. Pagcu, Edilyn T. Payla, at Michelle N. Pisala ng Bachelor of Science in Accountancy ay nagtapos bilang Cum Laude sa nasabing eskwelahan.

Sa valedictory address ni Jennie, hindi naging hadlang sa kanya ang kahirapan bagkus ay gumawa ito ng paraan upang ipagpatuloy ang pag-aaral.
Namasukan si Jennie bilang tagapag-alaga ng 2 taong gulang na anak ng kaniyang tiyahin sa Maynila upang makaipon ng pera.

Laking pasasalamat ni Jenie nang makilala ang ELJ Memorial College. Ito ang naging sagot sa kanyang pangarap na makapag-aral.

“Ang makapag-aral sa isang kilalang kolehiyo sa mababang halaga ay talaga naman pong biyaya mula sa ating mahal na Panginoon. Kaya’t utang ko rin po ito sa institusyong ito at sa mga taong bumubuo nito sa pangunguna ng ating dating Kgg. Na Gobernador Aurelio Matias Umali at sa ngayon ay kasalukuyan nating punong lalawigan Kgg. Czarina Domingo Umali.” ani ni Jennie

Bukod dito ay nagtrabaho rin siya sa parlor bilang tagalista ng mga gupit, taga walis ng mga buhok at kalaunan ay tinuruan na ring magrebond at magkulay ng buhok.
Ang lahat ng kita ni Jenie ay ginamit niya bilang panustos sa kanyang pag-aaral sa ELJ.
Samantala, binati naman ni Governor Cherry Umali bilang panauhing pandangal ang mga nagsipagtapos at mga magulang na nagsikap upang mapag-aral ang kanilang mga anak.
Hiling ni Governor Umali sa mga graduates na gawing kapaki-pakinabang ang bubuuing istorya ng kanilang buhay dahil ito ang babaunin nila hanggang sa pagtanda.

“Ang hiling ko lang, gawin ninyong kapaki-pakinabang ang istoryang bubuuin ninyo hindi lang para sa inyong mga sarili, kundi para sa inyong mga magulang, mga mahal sa buhay, sa ating buhay dahil ang istorya ninyong iyan ang ikwekwento ninyo sa inyong magiging anak at apo na siya namang magiging inspirasyon nila. Pwede kong sabihin na maraming oportunidad ang naghihintay sa inyo pero kung hindi kayo desidido na hawakan ito o kaya ay may takot kayo ay mawawalan ng saysay ang lahat ng pagsisikap ninyo.” Pahayag ni Governor Umali

Nagpasalamat rin si Dr. Enrico T. Velasco, College President ng ELJMC sa ina ng lalawigan Governor Cherry Umali sa lahat ng tulong na ibinigay sa ELJMC.- Ulat ni Shane Tolentino


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *