2 patay, 5 nadakip sa engkwentro sa mga hinihinalang miyembro ng NPA sa Rizal

Iprinisinta ng 7th Infantry Division (7ID) sa media ang mga armas na narekober sa naganap na engkwentro sa pagitan ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) at pinagsanib na puwersa ng 84th Infantry (Victorious) Battalion, 7th Infantry (Kaugnay) Division, Philippine Army, 69th Infantry (Cougar) Battalion at Nueva Ecija Provincial Police Office (NEPPO) noong November 14, 2019, 2:30 ng hapon sa Brgy. Estrella, Rizal, Nueva Ecija.

Nakuha ng mga otoridad ang dalawang M-16 armalite rifles na may labing limang magazines, tatlong caliber .45 pistols, isang granada, war materials at mga dokumento.

Ayon kay Major General Lenard Agustin Commander ng 7ID, ang special operation ay nagresulta ng pagkapatay ng dalawang suspek at pagkakadakip sa limang katao, apat dito ang sugatan na agad na dinala sa ospital ng Fort Magsaysay bago isugod sa PJG Hospital ng Cabanatuan City.

Para makaiwas sa madugong labanan, bukas aniya ang pamahalaan sa mga magbabalik loob na makakaliwang grupo at sisiguraduhin na mabibigyan sila ng karampatang benepisyo at proteksiyon upang makapagsimula ng panibagong buhay.

Sa ilalim ng E-Clip, ang mga surenderees ay makatatanggap ng P15,000 bilang initial assistance at P50,000 na livelihood assistance.

Hinihikayat din ng mga otoridad ang publiko na makiisa sa inaasam na kapayapaan sa bansa. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *