2 tulay sa bayan ng Rizal, muling nasira; Mayor Andres, umaapela ng tulong sa Prov’l Gov’t

Ang approach ng tulay sa barangay General Luna, Rizal na nawasak dahil tinamaan umano ng malalaking troso na naanod galing bundok noong kasagsagan ng bagyong Lando.
Ang approach ng tulay sa barangay General Luna, Rizal na nawasak dahil tinamaan umano ng malalaking troso na naanod galing bundok noong kasagsagan ng bagyong Lando.

   Muli na namang nasira ang dalawang tulay sa bayan ng Rizal matapos ma-wash out ng malakas na agos ng tubig sa ilog dulot ng nagdaang bagyong Karen ang itinambak na buhangin na nagdudugtong sa mga ito.

   Kaya dapat na umanong magsagawa ng major repair sa General Luna bridge at Casilagan overflow bridge sa Rizal na bumagsak noon pang nakaraang taon sa kasagsagan ng magkasunod na bagyong Lando at Nona.

   Sa panayam kay Mayor Rafaelito Andres, inihayag nito na naputol ang mga tulay dahil sa pagbangga ng mga naglalakihang troso na inanod ng rumaragasang tubig galing sa bundok. Bilang solusyon, pinatambakan ito ng buhangin ng lokal na pamahalaan kaya pansamantalang nadaanan nitong nakaraang tag-araw.

Nauka ng malakas na agos ng tubig sa ilog ang gilid ng burol sa barangay Canaan, Rizal.
Nauka ng malakas na agos ng tubig sa ilog ang gilid ng burol sa barangay Canaan, Rizal.

   Pagkatapos manalasa ni “Karen”, naglagay ng tulay na yari sa kawayan ang pamahalaang lokal katuwang ang mga mamamayan sa barangay General Luna upang makatawid ang mga tao at makadaan ang magagaan na sasakyan. Samantala, umiikot naman sa alternatibong daan patungong barangay Canaan ang mga taga-Casilagan kung saan may baku-bakong bahagi ang kalsada na nilalakbay ng kalahating oras.

   Ayon kay Mayor Andres, nasasakop ng provincial government ang mga kalsada sa dalawang barangay kaya umaapela siya ng tulong kay Governor Czarina Umali para mabigyang pansin ang pagpapaayos sa mga tulay. Mahalaga aniya na ayusin ang mga ito upang mas maging madali para sa mga magsasaka na ibyahe ang kanilang mga produktong palay at gulay.

Bumagsak at totally wash out ang overflow bridge sa barangay Casilagan, Rizal.
Bumagsak at totally wash out ang overflow bridge sa barangay Casilagan, Rizal.

   Napag-alaman na ang nasirang General Luna bridge ay itinayo noong taong 2012 at may habang 20 to 30 meters. Sa pagtataya ng pamahalaang lokal ng Rizal aabot sa sampong milyong piso ang pagpapagawa ng panibagong tulay na aangkop sa laki at taas ng tubig ng ilog na umaagos dito galing sa Pantabangan lalo na kapag may bagyo.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *