20 lehitimong samahan ng mga magsasaka, tumanggap ng makinarya mula sa DA; 55 Local Farmer Technicians, pinagkalooban ng fertilizers

Pinangunahan ni Governor Aurelio Umali ang pamamahagi ng Shallow Tube Well o STW (Pump and Engine) complete set na ginagamit para sa pagpapatubig sa bukid sa dalawampung lehitimong asosasyon at kooperatiba ng mga lokal na magsasaka ng Nueva Ecija na nagmula sa Department of Agriculture-Region III, noong Martes, March 3.

                    Tumanggap din ng tig-iisang yunit ng Rotary Weeder, tatlong bags ng organic at sampung bags ng inorganic fertilizers ang limampu’t limang Local Farmer Technicians na katuwang ng Kagawaran ng Pagsasaka sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa direktang tulong para sa mga magsasaka.

Mensahe ni Governor Oyie sa mga benepisyaryo na mahalagang maipagpatuloy ng mga ito ang paglago ng kanilang samahan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntuning kanilang pinagkaisahan upang lahat ng kapakinabangan mula sa mga programa ng probinsya, rehiyon at nasyunal para sa mga magsasaka ay maibaba sa kanila.

Sinabi rin ng gobernador na ang ayudang ibinibigay ng pamahalaan sa kanila ay bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap sa pagtatanim ng palay para sa sapat na pagkain ng mga Pilipino.

Hinikayat ni Umali ang mga magsasakang may sinasakang tatlong ektarya pababa na magpa-validate sa kapitolyo upang mapabilang sa farmer beneficiaries ng Provincial Food Council na binuo ng pamahalaang panlalawigan bilang tugon sa pagbagsak ng presyo ng palay at proteksyon para sa interes ng mga magsasaka.

Sa panayam kay Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) and Philippine Rural Development Project (PRDP) Provincial Coordinator Ferdinand Abesamis ay sinabi nitong tatlumpu’t limang porsyento pa lamang ng kabuuang associations at cooperatives ang accredited o rehistrado, kaya naman hinihikayat nito ang bawat samahan na agresibong magparehistro para mapabilang sa mga benepisyaryo ng mga programa ng gobyerno.

Magandang tulong naman ani Aurelio Galut, Local Farmer Technician ng Carranglan para sa kanilang samahan ang STW na magagamit nila ngayong panahon ng tag-init gayundin ang mga patabang ipinamahagi para sa kanilang tanim na palay.— Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – 20 lehitimong samahan ng mga magsasaka, tumanggap ng makinarya mula sa DA; 55 Local Farmer Technicians, pinagkalooban ng fertilizers


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *