2016 National Budget, posibleng mabago dahil sa pananalasa ng Bagyong Lando

     Nagbigay ng panibagong pag-asa para sa mga Novo Ecijano, partikular na sa mga magsasaka, ang magandang balitang bitbit ni Senator Ralph Recto sa pagbisita nito sa Lalawigan ng Nueva Ecija.

     Ayon sa Senador, bagaman hindi nila inakala ang pagsalanta ng bagyong Lando noong binuo ang 2016 National Budget, ay may pagkakataon pa naman upang maisama dito ang kaukulang tulong na maaaring maibigay para sa bawat pamilya na matinding naapektuhan ng nagdaang bagyo.

     Maliban pa sa munting pag-asang ibinalita ng Senador, ay nagbigay din ito ng tulong pinansyal para sa mga pangunahing biktima ng bagyo sa lalawigan.

     Ayon kay Nueva Ecija Governor Aurelio Matias Umali, karaniwang tanong ng mga magsasaka ay kung paano makababangong muli ang agrikultura sa probinsya bilang tinaguriang “Rice Granary of the Philippines”, na siyang pinagkukunan ng hanap buhay ng nakararami.

     Dagdag pa ng gobernador, sa pagbisita ni Senator Recto sa Lalawigan ay kaagad itong nagpahayag ng pagtulong, pangunahin na sa mga magsasaka dahil naniniwala aniya ang Senador na ang mga magsasaka ang bumubuhay sa pamayanan ng Nueva Ecija, maging ng buong bansa.

     Samantala, tumulong din si Recto sa pamimigay ng relief goods ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Oyie sa Bayan ng Bongabon na isa sa mga nasalanta ng bagyo.-Ulat ni Jerossa Dizon


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *