2017 SEA GAMES Gold Medalist Aries Toledo, Trainor ng mga atletang Novo Ecijano na sasabak sa CLRAA 2019

Eksaktong alas otso ng umaga  kahapon January 29, 2019 ng magsimula ang Time Trial ng mga atletang Novo Ecijanong  sasabak sa nalalapit na CLRAA 2019 na gaganapin sa Zambales.

Todo Ensayo ang mga ito sa pangunguna ng nagsisilbing  trainor na si Sea Games Gold Medalist Aries Toledo.

Ayon kay Toledo, bilang isang kampeon ay nais niyang ibahagi ang kanyang kaalaman sa larangan ng isports sa halos sampung taong pagiging atleta. Nais din aniya nitong makilala o mamayagpag ang kapwa Novo Ecijano sa buong mundo.

May posibilidad din aniya na makakapag uwi ng medalya ang pambato ng lalawigan dahil halos lahat naman ay mayroong potensyal at kakayahang ipanalo ang laban na lalahukan.

Mensahe naman nito sa mga aspiranteng atleta na maging positibo, wag pang hihinaan ng loob, maging masaya sa mga ginagawa at magpokus sa pag-eensayo partikular sa laro.

Maayos naman ang pagsasanay ngayon ayon kay Tournament Manager Elmer Birgonio, dahil may mga dating records o tala aniya na  bine-break ang atleta,  hudyat na may pagbabago sa bawat ensayo.

Nangako naman ito na ibibigay ang lahat ng kanilang makakaya sa laro para makapag uwi ng karangalan sa lalawigan.

Mahigit limang daan naman ang atletang sasabak sa kumpetisyon na may iba’t ibang paglalabanan kabilang ang Athletics na nakapaloob ang Track, Throws (Shot put, Javelin, discus) Jumps (long, high, triple) Sprint na paglalabanan ng elementary at sekondarya at maging SPED Learner or children with special needs.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *