Fr. Tito Paez, tinaguriang rebolusyunaryong pari; pinaslang dahil sa pag-ibig sa bayan

Tinaguriang rebolusyonaryong pari ng mga kapwa lingkod ng simbahang Katolika si Father Marcelito “Tito” Paez dahil sa malalim na pag-ibig at pag-aalay nito ng kanyang buhay para sa bayan.

Makialam sa mga usaping panlipunan, ipaglaban ang karapatang pantao, manindigan sa kabanalan

ng buhay at humanap ng katarungan para sa mga naaapi. Ito umano ang mensaheng hatid ng pagkakapaslang kay Father “Tito” Paez na nakilala sa kanyang pagkakawang-gawa at pagtataguyod ng karapatang pantao partikular ng mga maliliit na mamamayan.

December 11, 2017 ganap na alas dose ng tanghali, inihatid si Father Paez sa kanyang huling hantungan sa Sto. Niño Cemetery ng kanyang pamilya kasama ang mga kaparian mula sa mga Diocese ng Cabanatuan at San Jose, mga kaibigan at mga taong natulungan at naging bahagi ng kanyang buhay.

Bago ang libing, alas dyes ng umaga nagsagawa muna ng misa sa St. Joseph Cathedral, San Jose City na dinaluhan ng Papal Nuncio to the Philippines na si Italian Archbishop Gabriele Giodano Caccia at kung saan binasa rin ang pahayag ni Lingayen, Dagupan Archbishop Socrates Villegas.

“Bayan Ko” at “Pilipinas Kong Mahal”, mga awiting inialay sa libing ni Fr. Tito Paez.

Sa homiliya, inihayag ni Bishop Roberto Mallari ng Diocese of Cabanatuan na isinabuhay ng pari ang aral ng Panginoong Hesu Kristo: ang maging mabuting pastol sa kanyang kawan sa pamamagitan ng pagtulong at pagbibigay boses sa mga naaapi.

Para sa mga taong naging malapit kay Father Tito, siya ay isang kasama, bayani at isang martir dahil sa literal na pagbibigay ng sariling buhay.

Si Paez ay tinambangan at pinagbabaril ng riding in tandem noong December 4, 2017 alas syete y medya nang gabi sa Sitio Sanggalan, barangay Lambakin, Jaen Nueva Ecija habang minamaneho ang kanyang Toyota Innova sa Jaen-Zaragoza Road.

Iniuugnay ang pagpatay sa pari dahil ilang oras ang pamamaril sa sasakyan nito ay tinulungan nitong makalabas ng kulungan ang political prisoner na si Rommel Tucay.

Si Father Tito Paez ay apat na dekadang naglingkod bilang pari at nagretiro noong taong 2015 sa edad na sitenta, ngunit ipainagpatuloy niya ang pagtulong sa mahihirap na magsasaka at manggagawa.

Naging Regional Coordinator ng Rural Missionaries of the Philippines-Central Luzon, naging bahagi ng Promotion for Church People’s Response and Clergy Discernment Group na aktibo sa pagtataguyod ng panlipunang hustisya. Nagsilbing adviser ng mga progresibong grupong Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon at Mothers and Relatives Against Tyranny.- ulat ni Clariza de Guzman

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *