Talakayan tungkol sa Extra-Judicial Killings, inilunsad ng Diocese ng San Jose

Kasunod ng pamamaslang kay Fr. Marcelito “Tito” Paez ay inilunsad ng Diocese of San Jose ang Forum na tumatalakay sa Extra-Judicial Killings sa bansa.

Ito ay dinaluhan ng dalawampu’t dalawang simbahan na nasasakop ng Diocese of San Jose at labing isang Katolikong Paaralan ng Apo Jose Catholic Educational System.

Nagsilbing Resource Speaker sa forum si Bishop Pablo Virgilio David ng Diocese of Caloocan City, kung saan sinabi nito na si Fr. “Tito” ay idineklarang Martyr ng simbahan sapagkat ito ay namatay dahil sa pagliligtas kay Rommel Tucay.

Kwento ni Bishop David, noong araw na lumaya si Tucay ay napansin na ni Fr. Tito ang dalawang motorsiklong may lulang mga kalalakihan na sumusunod sa kanila, sa kabila nito ay tinulungan pa rin nitong mailayo at maihatid ng maayos at ligtas si Tucay kahit pa ang naging kapalit ay sarili nitong buhay.

Iginiit nito na maituturing na biktima ng EJK si Fr. Tito base sa depenisyon sa Administrative Order No. 35, kung saan nakasaad na ang mga itinuturing na biktima ng EJK ay mga miyembro ng isang Advocacy groups na mayroong ipinaglalaban na katulad ni Paez.

Ngunit sinasabi rin aniya ng batas na ito na walang EJK sa Pilipinas dahil wala namang umiiral na Death Penalty.

Hangga’t may bahid dungis aniya ang sistema ng pagpapatupad ng batas sa ating bansa, mananatiling ang mga mayayaman at nasa kapangyarihan lang ang magkakamit ng hustisya.

Nilinaw nito na ipinaglalaban lamang ng Simbahang Katoliko ang pagpapahalaga sa moral at sa kabanalan ng buhay ng isang tao na isa sa mga turo ni Hesukristo.

Kaya naninindigan ang Simbahan na hindi dapat paslangin ang mga adik dahil sila ay mga biktima lamang at dapat na bigyan ng pagkakataong makapagbagong buhay.

Ang dapat aniyang habulin ng gobyerno upang papanagutin ay ang mga supplier ng iligal na droga lalo na ang mga nanggagaling sa ibang bansa.

Dagdag nito, bilang mga lider ng simbahan ay tungkulin nilang ipagtanggol ang mga karapatan ng mga naaapi at hindi pakikialam sa politika.—Ulat ni Jovelyn Astrero

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *