NEPPO, nag-inspeksyon sa mga tindahan ng paputok bago ang bagong taon

Pinangunahan ni Provincial Director Police Senior Superintendent Eliseo Tanding ang isinagawang inspeksyon ng Nueva Ecija Provincial Police Office sa mga tindahan ng paputok sa iba’t-ibang lugar sa lalawigan upang makita kung sumunod ang mga ito sa itinakdang batas at regulasyon.

Naunang nagtungo ang mga kapulisan sa Cabanatuan Terminal kung saan binusisi ng mga ito kung mayroong kumpletong dokumento ang may-ari ng tindahan. Inisa-isa rin nila ang mga tinda rito upang masigurado na walang ibinebentang bawal na paputok o iyong mga malalakas na paputok.

Isa rin sa mga sinuri ay kung mayroong nakalagay na smoking sign at kung may nakahandang fire extinguisher, tubig at buhangin sa mga tindahan ng paputok na magagamit kung sakaling magkaroon ng sunog.

Sumunod naman na nagtungo ang NEPPO sa ibang lugar sa lungsod ng Cabanatuan kung saan nakita nilang may mga nagtitinda pa rin sa kanya-kanyang pwesto.

 

Sinuri ni Provincial Director PSSupt. Eliseo tanding at ng mga kapulisan ang bawat tindang paputok upang masiguro na walang nakalusot na ipinagbabawal na paputok.
Photo courtesy: PIO NEPPO

Ayon sa NEPPO, nakasaad sa Republic Act 7183 o An Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution and Use of Firecrackers and other Pyrotechnic Devices, dapat na mayroong lugar na itinakda ang local government kung saan maaari lamang magbenta ng mga paputok kaya naman pinalipat nila ang mga nagtitinda sa Cabanatuan Terminal sapagkat iyon aniya ang designated firecracker selling zone.

Ikinalito naman ito ng mga ibang nagtitinda dahil base sa hawak nilang dokumento mula sa Sangguniang Panglungsod ay maaari umano silang magtinda ng paputok sa kanilang  kaukulang pwesto. Sa huli ay ipinahayag pa rin ng mga ito na susunod na lamang sila sa direktiba ng mga kapulisan.

Samantala, nagsagawa rin ang mga kapulisan ng inspeksyon sa iba’t-ibang lugar tulad ng lungsod ng Gapan, Bayan ng San Isidro, Zaragosa, Sto. Domingo at iba pa. –Ulat ni Irish Pangilinan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *