Proposed Barangay Annual Budget 2018 sa Cabanatuan City, sinusuring mabuti ng SP

Masinsin na sinusuri ng Committee of the Whole ang mga proyekto at programang nakapaloob sa Panukalang Annual Budget ng mga barangay sa Lungsod ng Cabanatuan para sa taong ito.

Sa ikalawang araw ng pagdinig ng Komite sa pangunguna ni Vice Mayor at Committee Chairman Anthony Umali, ay isa-isang inaalam ng kapulungan ang mga proyekto na ninanais paglaanan ng pondo ng mga barangay ng naturang lungsod.

Sa pagsisimula ng pagdinig, laging sinisiguro ni VM Umali, na ang buong opisyal ng barangay ang naghanda ng Panukalang Annual Budget.

Ninanais kasi ng Sanggunian na akma at mahusay na pinag-aaralan ng buong kawani ng barangay ang bawat detalyeng isinusulat sa kanilang mga ipinapasang panukala upang makasunod sa panuntunan na itinakda ng DBM o Department of Budget and Management.

Papuri ng Bise Alkalde, unti-unti nang nagiging maayos ang mga ipinapasang presentasyon ng mga barangay sa paghahanda ng kanilang Annual Budget. Ngunit, hiling ng Bise Alkalde na sana ay mas gawin pang detalyado ng mga opisyal ng barangay ang pagsusulat ng bawat proyekto.

Katulad na lamang na mailakip din sana sa mga ipinapasang dokumento ang Plans and Programs ng bawat sektor ng mga barangay dahil ito umano ang tama at epektibong paraan ng paglalaan ng pondo sa bawat proyekto.

Paalala pa ni Vice Mayor Umali, na dapat linawin sa budget message na hati sa 1% na pondo ang mga Senior Citizens at Persons With Disability.

Binigyan diin ng Bise Alkalde, na ang proseso ng pagsusuri ay pagbibigay lamang ng malasakit sa mga barangay upang maitama at mahusay na magampanan ang trabaho ng mga opisyal.

Sa ngayon, ay Tatlumpu’t Walong Barangay na ang dumaan sa deliberasyon. Habang ang Limampu’t Isang natitirang barangay ay nakatakdang dinggin sa mga susunod na araw. –Ulat ni Danira Gabriel

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *