Pangangalap ng 10,000 pirma para kay Mary Jane Veloso, sinimulan na!

Nagawa ng makakalap ng nasa mahigit anim na raang lagda mula sa mga supporters at mananampalataya ng Simbahang Katoliko ang Migrante at Pamilya Veloso noong araw ng linggo sa Cathedral ng Lungsod ng Cabanatuan.

Ang naturang pangangalap ng pirma ay bilang panawagan na payagan si Mary Jane Veloso na makapagbigay ng testimonya laban kina Cristina Sergio at Julius Lacanilao na itinuturong illegal recruiter nito.

Hinihiling ng Pamilya Veloso at ng grupong Migrante na mapahintulutan si Mary Jane na maisiwalat ang katotohanan sa Korte.

Target umano ngayon ng grupo na makakalap ng hindi bababa sa sampung libong pirma sa buong mundo upang maiapela sa Court of Appeals at sa iba pang mga kinauukulan sa Hidikatura at Pamahalaan.

Ang Signature Campaign ay muling isinulong ng Migrante at ng Pamilya Veloso upang muling makakuha ng suporta sa lahat ng mamamayan ng Pilipinas at ng ibang bansa na nagmamalasakit kay Mary Jane na kasalukuyan pa ring nakakulong sa bansang Indonesia.

Patuloy pa rin ang  grupo sa pangangalap ng mga pirma na kasalukuyan ng nag-iikot sa bawat Lungsod at Bayan sa loob at labas ng Lalawigan ng Nueva Ecija.

Ang petisyon ay ipararating sa Philippine Court of Appeals at kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa mga nais lumagda online ay bisitahin lamang ang www.change.org. – Ulat ni Jovelyn Astrero

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *