Mga estudyante, hinihikayat na maagang magpatala

Maaga pa lamang ay nagtungo na si Aling Marilou sa Nueva Ecija High School (NEHS) noong sabado, January 27, 2018 dahil nabalitaan niya na ang Early Registration ng Department of Education (DEPED).

Agaran niyang ipinalista ang kaniyang dalawang apo na papasok sa susunod na School Year 2018-2019.

Ang Early Registration ay sa ilalim ng DEPED Order No. 25 na naglalayong maitala ang mga mag-aaral na mula kindergarten hanggang high school sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Ayon kay Rosemarie Burayag, Area Monitoring Supervisor ng DEPED Nueva Ecija, nais matiyak ng kagawaran na mailista ang mga bata na may limang taong gulang sa kindergarten, gayundin ang mga Out-of-School Children (OSC) at Youth (OSY).

Ayon kay Evangeline Gaspar, head teacher ng NEHS, sa pamamagitan nito, malalaman at mapaghahandaan agad nila ang mga gamit na kakailanganin sa susunod na pasukan.

Bukod sa eskwelahan ay nagsasagawa rin ang kagawaran ng house-to-house campaign.

Kung saan, nakikipagpulong sa mga opisyal ng barangay at civic organizations ang mga guro upang matulungan na mahanap at maibalik ang mga bata sa paaralan.

Magtatagal ang Early Registration Program ng isang buwan o hanggang February 28, 2018. –Ulat ni Danira Gabriel

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *