4-day mass TB Screening, Isasagawa ng PHO sa Provincial Jail

Tatlong daang preso ng Provincial Jail ang target na maisailalaim ng Provincial Heath Office sa 4-day mass Pulmonary Tb o Tuberculosis Screening kada araw.

Ito ay isasagawa sa March 20 hanggang March 23 bilang parte ng selebrasyon ng World Tubercolosis Day sa March 24.

Ayon kay Dra. Josefina Garcia ng Provincial Health Office, sa ngayon ay nasa 1,200 ang kabuuang populasyon ng mga bilanggo sa Provincial Jail at labinglima rito ang sumasailalim sa gamutan dahil sa sakit na TB.

Aniya, iyong may mga positibong resulta mula sa x-ray ay mabibigyan ng libreng gamot hanggang sa matapos ang gamutan.

Para naman sa mga nagkaroon na dati ng TB, hindi na aniya sapat ang x-ray at kailangan na nilang dumaan sa gene expert machine sapagkat maaring naging resistant na sila sa pangunahing gamot sa tuberculosis.

Ayon pa kay Garcia, mabilis kumalat ang tuberculosis sa kulangan dahil masikip sa mga ganitong lugar. Aniya, nagsasagawa sila ng mga ganitong uri ng programa upang maiwasan ang pagkalat ng TB at maprotektahan ang iba na walang sakit

Samantala, ang Pulmonary TB ay nananatiling isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino, ayon sa Department of Health. Ito ay impeksyon sa baga na nagmumula sa isang uri ng bacteria, ang Myobacterium tuberculosis.

Dahil maaaring maging malubha ang karamdamang ito, inirerekomenda ng WHO o World Health Organization ang DOTS o Directly Observed Short Course Program na isinasagawa ng mga health workers tulad ng mga doktor at nars para tulungan ang mga taong sundin ang dosage at wastong schedule sa pag-inom ng mga medisina. –Ulat ni Irish Pangilinan

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *