1,307 Novo Ecijano na biktima ng Typhoon Lando, tumanggap ng tulong pinansyal mula sa DSWD

Tumanggap ng tulong pinansyal mula sa pondo ng Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng programa na Cash for work, ang isang libo, tatlong daan at pitong Novo Ecijano na pinakanasalanta ng bagyong Lando noong taong 2015 sa iba’t-ibang bayan.

Ayon kay Elvie Ronquillo,Chief ng  Provincial  Social and Welfare  Development Office, Ang mga biktima ng bagyong lando ay Limang araw na nagtrabaho sa kani-kanilang mga lugar. Aniya Ang mga napiling indibidwal ay ang  mga higit na nangangailangan, pinakaapektado ng bagyo  at kinulang sa pagkakataon na magkaroon ng hanap-buhay.

Dagdag pa niya, sa pakikipagtulungan ng DSWD, mga pangulo at opisyales ng  bawat  Barangay ay napagaan ang kanilang tungkuling maibaba ang  tulong sa mga nasasakupan at maipadama ang malasakit sa buong  lalawigan.

Kabilang sa mga benepisyaryong nakatanggap ay si Tatay Dionisio Supad at si Nanay Prescilla Garde Lopez ng Gabaldon  na kahit may edad na ay  parehong tumulong magkusang loob na maglinis  kagaya ng paglilinis sa mga kahoy na nabuwal sa kalsada at mga bakuran,  bato at mga sukal na  nagkalat sa daan  upang maibalik kaagad sa ayos ang kanilang bayan pagkatapos ng pananalanta ng bagyong Lando.

Nagpapasalamat naman ang dalawa sa tulong pinansyal na natanggap mula sa DSWD sa ilalim ng programa na Cash for Work at sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan na mapabilis ang pagtukoy sa mga biktimang pinakapektado sa  kani-kanilang lugar.

Personal namang nagpasalamat ang Ina ng Lalawigan ng Nueva Ecija, na si  Governor Cherry Domingo-Umali, sa mga Novo Ecijanong walang sawang sumusuporta at aktibong nakilahok sa mga pakikibahagi sa bawat programa.

Nakasuporta  ang pamahalaang panlalawigan  sa lahat ng programang magbibigay ng ayuda para sa bawat Novo Ecijano.

Matatandaang ang Bagyong Lando ang isa sa pinaka mapaminsalang bagyong nanalasa sa Pilipinas noong taong 2015.

At isa ang Lalawigan ng Nueva Ecija sa mga lugar na  naitalang maraming nasira ang mga ari-arian, pananim, kabahayan at mga taong napinsala ng hagupit ng bagyong Lando.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *