SM City Cabanatuan, muling nakiisa sa Earth Hour

Alas otso y’ media ng gabi nitong nakaraang Sabado nang sabay-sabay na patayin ang mga ilaw sa harap ng SM City Cabanatuan hudyat ng pagsisimula ng Earth Hour 2018.

Ito ay taunang aktibidad hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo, na may layong imulat ang publiko ukol sa pagpapahalaga sa kalikasan tungo sa preserbasyon ng enerhiya sa mundo, gayun din ang paglaban sa climate change.

Pagpatak ng 8:30 PM noong Sabado, March 24, sabay-sabay na pinatay ang ilaw sa harap ng SM City Cabanatuan bilang pakikiisa sa Earth Hour 2018.

Ayon kay Mark Herrera, SM City Cabanatuan Mall Manager, siyam na taon nang sinusuportahan ng lahat ng SM malls sa Pilipinas at China ang Earth Hour.

Dagdag pa ni Herrera, nais nilang magbigay ng kamalayan sa mga pilipino tungkol sa importansya ng pangangalaga sa kalikasan.

Maliban sa pagpatay ng ilaw, ipinakita rin ng SM City Cabanatuan ang creation na ‘rotating hamster wheel’ bilang kanilang centerpiece na isa umanong simbolismo at patunay na marami nang mga gadgets at iba pang technological inventions na hindi na kailangang gamitan ng fossil fuels.

Dagdag pa ni Hererra may iba’t ibang proyekto pa ang SM malls na nagsusulong sa patuloy na pangangalaga sa kalikasan tulad ng solar panel at ‘Trash to Cash’.

Ito na ang ika-labindalawang taon ng Earth Hour na nagsimula noong 2007 sa bansang Sydney. – ULAT NI JANINE REYES.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *