3 tulak umano ng droga nanlaban sa mga pulis, patay sa buy-bust sa Cabanatuan; dating barangay tanod sa Cuyapo, todas sa riding in tandem

Patay ang tatlong tulak umano ng illegal na droga matapos manlaban sa mga pulis sa isinagawang buy-bust operation sa Purok 2 barangay Sta. Arcadia, Cabanatuan City.

Positibong kinilala ng kanilang mga kapamilya ang mga suspek na sina Bernard Meneses y Calimlim, 48-anyos, may asawa, residente ng Poblacion III, bayan ng Peñaranda; Ricky Duran y Santiago, 23, may asawa; at Enrico Lamar y Magpayo, 39-anyos, kapwa naninirahan sa barangay Bantug Bulalo, Cabanatuan.

Base sa report ng pulisya, 8:45 ng gabi noong March 30, 2018, gamit ang dalawang Php1,000.00 bills ay nagpanggap na bibili ng droga ang mga operatiba ng Cabanatuan Police Station sa tatlong suspek.

Napatay ng mga pulis ng Cabanatuan sa engkwentro ang 3 nagbebenta umano ng illegal na droga.

Nang maramdamang mga pulis ang katransaksyon ay kaagad na bumunot ng pistola ang mga suspek at binaril angopisyal kaya napilitan ang mga ito na gumanti ng putok na naging sanhi ng kagyat na kamatayan ng tatlo.

Narekober ng SOCO sa crime scene ang isang Ford Ranger pick-up truck, isang Honda TMX 155 motorized tricycle, isang Oppo cellphone at drug paraphernalia.

Nakuha naman mula sa mga suspek ang mga baril, bala at 8 selyadong transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Samantala, todas ang isang dating tanod m akaraang pagbabarilin ng riding in tandem sa Purok 2 barangay Sta. Clara, Cuyapo.

Nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Rodrigo Felix y Padre, 67-anyos, may asawa, magsasaka at residente ng naturang lugar.

Nalaglag sa minamanehong kolong-kolong ang isang dating tanod sa Cuyapo matapos mapatay sa pamamaril ng riding in tandem.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Cuyapo Police Station, 6:30 ng gabi noong March 31, 2018, papauwi ang biktima sakay ng minamanehong kolong-kolong nang bigla na lamang ratratin ng mga suspek.

Patuloy namang sinisiyasat ng mga otoridad  ang posibleng pagkakakilanlan sa mga salarin.- ulat ni Clariza de Guzman.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *