Pag-apruba sa panukalang Lifetime Cellphone Number, unahin sa Kamara

Hiniling ni Quezon City Rep. Alfred Vargas, isa sa may akda ng Mobile Number Portability sa Kamara na unahin ang pag-apruba sa naturang panukala sa pagpapatuloy ng sesyon ng kongreso sa buwan ng Mayo.

Kabilang sa Substitute Bill na inaprubahan ng House Committee on Information and Communications Technology ang iniakda ni Vargas na House Bill 7148 “An act requiring public telecommunications entities to provide nationwide mobile number portability to subscribers or the lifetime cellphone number act.”

Sa pahayag ng Kongresista, layunin nito na mabigyan ng karapatan ang mga konsyumer na panatilihin ang kanilang cellphone number kahit na magpalit ng ibang service provider o lumipat mula sa postpaid ay maging prepaid account o vice versa.

Pakay rin ng panukala na magkaroon ng “healthy competition” kung sakaling dumami pa ang mga internet provider o telecommunication company sa bansa.

Magbubukas din aniya ito ng oportunidad sa iba pang telcos na makapagbibigay ng mas magaling na serbisyo. Inaasahan na sisigla umano ang kumpetisyon sa pamamagitan nito.

Bukod dito ay makatutulong din ang Lifetime Cellphone Number para maawat o mapigilan ang mga organisadong sindikato o indibidwal na gumamit ng cellphone sa kanilang iligal at kriminal na aktibidades.

Kapag naisabatas ay magkakaroon na ang mobile users ng “Lifetime Cellphone Number”.

Ang counterpart na panukala ay aprubado na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa. –Ulat ni Danira Gabriel

 

http://metromanila.politics.com.ph/2018/04/03/vargas-proposes-lifetime-cellphone-number-for-pinoys/

http://www.journal.com.ph/news/nation/vargas-seeks-approval-of-lifetime-cp-number-bill

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *