Street Dance Competition ng Sibuyas Festival 2018, binuksan sa ibang bayan sa unang pagkakataon

Mas pinalawak ang selebrasyon ng Sibuyas Festival 2018 sa munisipalidad ng Bongabon sapagkat nag-imbita sila ng ibang bayan at binuksan nila ang kompetisyon ng street dance para sa mga ito sa unang pagkakataon.

Nakakamanghang performance ang ipinamalas ng bawat kalahok sa naturang paligsahan na ginanap sa ika-9 na araw ng festival nitong April 9.

Unang pinasigla ng mga ito ang mga manonood sa patikim nilang performance sa Bongabon National High School. Sunod naman ay kani-kaniyang pasikat na ang bawat grupo sa street dancing parade patungong palengke kung saan ginanap ang grand showdown.

Dumayo ang iba’t-ibang mga bayan para sa open category at nagpakita ng kani-kanilang ipinagmamalaking festival.

Papaya Festival ng Gen. Tinio, Champion sa Street Dance Competition sa Sibuyas Festival 2018 ng Bongabon. (Open Category)

Napabilib ng General Tinio ang mga hurado at manonood sa itinanghal nilang Papaya Festival kaya naman sila ang naging kampeon at nag-uwi ng cash prize na nagkakahalaga ng P100, 000.

Makapigil hininga at nakakaaliw na performance naman ang ipinakita ng Ragragsak Ti Guimba Festival na nakasungkit ng pangalawang pwesto at nanalo ng P75, 000. Habang pumangatlo sa pwesto ang Canaan National High School ng Rizal na may Palay Festival. At sinundan ito ng Cabucbucan National High School na mula rin sa bayan ng Rizal.

LaCaDiPe (Labi, Calaanan, Digmala, Pesa), Champion sa Street Dance Competition sa Sibuyas Festival 2018 ng Bongabon. (Elementary Category)

Sa elementary category naman ay nagpaligsahan ang iba’t-ibang paaralan ng Bongabon kung saan itinanghal na kampeon ang LaCaDiPe o Brgy. Labi, Calaanan, Digmala at Pesa na nagwagi ng P50, 000.

Sinundan ito ng Bongabon Central School na nakapag-uwi ng P40, 000. Nasungkit naman ng MacaRvEgoHin o Macabaclay, R. Vijandre, E. Gotangco at Hiniero Elementary School ang ikatlong pwesto at ang P30,000. Habang nasa pangapat na pwesto ang OCSA o Olivete, Santor, Cruz at Antipolo na tumanggap ng P25, 000.

Samantala, ang selebrasyon ng ika-14 na Sibuyas Festival ay nagsimula noong April 1. Ayon kay Mayor Ricardo Padilla, ang naturang pagdiriwang ay pasasalamat aniya para sa mga magsisibuyas na nagsisilbing lifeline ng kanilang bayan.

Sa panayam naman sa Father of Sibuyas Festival na si Armando Giron, sinabi nito na nagsimula sila sa maliit na selebrasyon noong 2004 dahil nais din nitong magkaroon ng festival ang kanilang bayan katulad sa ibang lugar sa Pilipinas. Aniya, ngayon ay unti-unti na itong nakikilala sa lalawigan at buong bansa. –Ulat ni Irish Pangilinan

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *