21 kaso ng tigdas, naitala ng Provincial Health Office ng Nueva Ecija ngayong buwan ng Pebrero

Umabot sa 21 kaso ng Measles o Tigdas ang naitala ng Provincial Health Office ng  Nueva Ecija sa loob lamang ng isang buwan.

Base sa datos ng Office of the Provincial Health Office as of February 02, 2019 ang  pinakaapektado ay ang Bayan ng Cabiao na kung saan may walong katao na naitalang may Tigdas sa loob ng limang linggo (5 Morbidity Week), Habang 2 sa Bayan ng Licab, 2 sa Talavera at 2 sa Cabanatuan City. May tig-iisang kaso naman sa Cuyapo, Jaen, San Isidro, San Leonardo, Sto Domingo, Zaragoza at Lungsod ng San Jose.

Labing apat ang bilang ng babae na may sakit na tigdas at pito naman ang lalaki. Base  namansa report ay lomobo sa 950%  ang kaso ng Tigdas.21 ang naitatala ngayong buwan kung ikukumpara sa dalawang naitala sa taong 2018.

Ayon  kay Dra. Josefine Garcia, Health Officer ng PHO, karaniwan sa biktima ng tigdas ay mga batang hindi pa nabakunahan, mababa aniya ang regular immunization ng lalawigan kung kayat hindi naabot ang 95% target sa lalawigan.

Karaniwang rason aniya ng mababang accomplishment  ay ang hindi prayoridad ng mga Magulang ang pagpapabakuna ng kanilang mga anak, nagkukulang sa alaga ang mga ina at layo ng isang lugar sa Health Center, nakadagdag lang aniya sa isyu ng ang pagputok ng usapin tungkol sa Dengvaxia na nagdulot  ng takot sa mga magulang ng mga bata.

Dagdag pa ni Dra. Garcia, ang PHO ay nakasuporta at tumatalima sa direktiba at programa na ginagawa ng Department of Health (DOH) katulad ng pagpatupad ng MMR (Measles, Mumps, Rubella)  Immunization o pagpapabakuna ng mga bata na may edad na 6 na buwan hanggang 59 months o bago maglimang taon.

Nasa kani-kanilang destined area aniya ang mga midwives at kasamahan sa Rural Health Unit (RHU) upang magsagawa ng pagba-bakuna sa mga bata sa kani-kanilang Barangay. Nagbibigay imormasyon din aniya ang mga ito patungkol sa Tigdas at nagbibigay rin ng tamang mga gamut at bitamina sa bata.

Payo naman ni Dra. Garcia sa mga Magulang na gawing prayoridad ang pagpapabakuna sa mga anak para walang alalahanin sa kalusugan ng mga bata sa hinaharap.

Ang Measles o Tigdas ay isang virus na sumisira sa respiratory tract o daanan ng hininga bago kumalat sa buong katawan.

Ang mga sintomas nito ay Mataas na lagnat (na nagsisimula nang 10-12 araw), Sipon, Ubo, Pamumula at pagtutubig ng mata, Pagpapantal o rashes , Maliit na putting spot na karaniwang nasa loob ng katawan, Walang gana sa pagkain, pagkahapo, Pananakit ng katawan, Pagtatae at pagsusuka. Maaring namang mabulag at mamatay ang isang tao dahil sa kumplikasyon sa sakit na  tigdas.-Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *