24 Surrenderees sa Nueva Ecija, tumanggap ng tig 65k na ayuda mula sa gobyerno

Tinanggap noong lunes May 4, 2020 ng dalawampu’t apat na dating rebelde mula sa lungsod ng San Jose, bayan ng Lupao at Carranglan ang ayuda mula sa gobyerno bilang panimula sa kanilang pagbabalik loob sa pamahalaan. 

Ito ay alinsunod sa Executive Order 70 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong December 4,2018 na naglalayong bigyan ng pagkakataon ang mga sumukong miyembro ng NPA na maging parte muli ng lipunan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tulong pinansyal.

Kasama si Provincial Social Welfare and Development Officer (PSWDO) Elvie Ronquillo, mga kapulisan at mga kasundaluhan, personal nilang iniabot ang tseke sa mga surrenderees na nagkakahalaga ng Php65,000 bawat isa.

           Ayon kay Governor Aurelio Umali, ito ay programa ng pamahalaang nasyunal katuwang ang pamahalaang lokal na ipinagkakaloob sa mga taong nahikayat para lumaban sa gobyerno upang muling yakapin ang panibagong buhay kasama ng kanilang mga pamilya.

                            Malaking bagay umano para sa kanila ang ayudang natanggap sa pamahalaan na kanilang gagamitin upang makapagsimula ng maliit na pangkabuhayan at palalaguin para sa mas magandang pamumuhay.

                            Lubos na pasasalamat ang ipinaabot ng mga surrenderees kay Governor Umali dahil anila mas lalo silang naliwanagan na walang anumang magandang patutunguhan ang kanilang ipinaglalaban.

                            Dagdag pa ng gobernador bukod sa tinanggap na ayuda ng mga nagbalik loob sa pamahalaan tatanggap rin ang mga ito ng livelihood assistance mula sa pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Micro Layering program na inaasahang maisasakatuparan pagkatapos ng ipinatutupad na lockdown sa lalawigan. ulat ni Myrrh Guevarra

Watch here: 24 Surrenderees sa Nueva Ecija, tumanggap ng tig 65k na ayuda mula sa gobyerno


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *