28 batang Novo Ecijano, bumida sa Bright Child 2018

Bumida sa buwan ng nutrisyon ang dalawampu’t walong bibo at matatalinong batang Novo Ecijano sa isinagawang Bright Child 2018 ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Kung saan, sinukat ang kanilang kakayahan at kagalingan sa aspetong pisikal, mental, emosyonal at sosyal.

Ayon kay Assistant PSWD Officer Marijune Munsayac, ang mga kalahok ay best of the best dahil sinala na ito mula sa iba’t-ibang day care centers sa mga bayan at lungsod sa probinsiya.

Ang mga batang kalahok ay nag e-edad tatlo hanggang apat na taong gulang.

Sa pamamagitan ng iba’t ibang kategorya kagaya ng pagguhit at pagkukulay, pakikinig sa istorya, pagsagot sa mga katanungan, lakas ng pangangatawan at pagpapamalas ng kanilang mga angking talento ay nagpakitang gilas ang mga bibong kalahok.

Sa pahayag din ng PSWD, bukod tanging ang lalawigan lamang ng Nueva Ecija sa buong rehiyon ang mayroon ganitong klaseng kompetisyon para sa mga day care students.

Nais aniya ng Pamahalaang Panlalawigan na sa murang edad ay malinang at mahubog na ang mga batang Novo Ecijano sa kanilang pagpapakita ng talino at talento sa maraming tao.

Sa huli, itinanghal na Bright Child si Katriz Everdine Oligo mula sa bayan ng Talavera. Pangalawa si Joiada Antonio na mula sa bayan ng Rizal, at pangatlo si Jacob Fajardo ng lungsod ng Gapan.

Binigyan diin sa programa, na ang mga batang kumakain ng hitik sa nutrisyon ay nagbubunga ng malakas na pangangatawan at matalinong kaisipan. –Ulat ni Danira Gabriel

 


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *