284 college scholar ng provincial government sa CLSU, tumanggap na ng allowance

Pinangunahan ni Vice Governor Anthony Umali kasama si 2nd District Board Member Joseph Ortiz, ang pamamahagi ng tulong pinansyal para sa dalawang daan at walumpu’t apat na college scholar ng pamahalaang panlalawigan sa Central Luzon State University, noong Martes, January 7, 2020.

Sa kanyang talumpati ay ibinahagi ng bise gobernador ang kwento ng kanilang buhay kung paanong naitaguyod ng kanyang kuya na si Governor Aurelio Umali ang pag-aaral nilang magkakapatid matapos na maagang pumanaw ang kanilang ama.

Ani Vice Governor Umali, ito ang pinaghugutan ng inspirasyon ni Governor Oyie sa pagkakaroon ng Scholarship Program dahil sa paniniwalang kung may isang miyembro ng pamilyang Novo Ecijano ang makatatapos ng pag-aaral sa kolehiyo ay maaari nitong matulungang maiangat ang kanyang pamilya.

Hiling ng pangalawang ama ng lalawigan na sana’y pahalagahan ng mga kabataang ito ang tulong pinansyal na kaloob ng provincial government para sa kanila na magiging tuntungan nila sa pagkamit ng kanilang mga pangarap.

Siniguro din ni Umali na nakaagapay ang provincial government sa bawat kabataang nangangarap hanggang sa makapagtapos ang mga ito ng pag-aaral.

Nag-iwan naman ng inspirasyon para sa mga scholars na sina John Paulo Fernando, graduating student, Mariel Espinoza at Jeff Glennard Gamilla, kapwa First Year College, ang kwento ng pamilya Umali at nagbigay ng pag-asa na anumang balakid ang dumating sa buhay ay patuloy lamang ang laban para sa ikatatagumpay ng kanilang mga karera sa buhay.

Pasasalamat ang mensahe ng tatlo sa programang sinimulan pa ni Governor Umali noong siya ay kongresista pa lamang ng ikatlong distrito ng lalawigan, na naglalayong matulungan ang mga kabataan upang makapagtapos ng pag-aaral.

Samantala, nag-iwan din ng mensahe sa mga mag-aaral si Bokal Ortiz na sana bilang ganti sa sakripisyo ng kanilang mga magulang at tulong mula sa pamahalaang panlalawigan ay pagbutihin nila ang kanilang mga pag-aaral.—Ulat ni Jovelyn Astrero

Watch – 284 college scholar ng provincial government sa CLSU, tumanggap na ng allowance

https://youtu.be/342rZVc1vro


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *