3 barangay sa Cabanatuan City, tinukoy na seriously affected ng iligal na droga sa Nueva Ecija

Tinukoy ng Nueva Ecija Provincial Police Office (NEPPO) ang tatlong barangay sa Lungsod ng Cabanatuan bilang seriously affected sa buong Nueva Ecija pagdating sa ipinagbabawal na gamot.

Ito ang inihayag ni Lt. Col. Kevin Balayungan, Deputy Provincial Director for Operations (DPDO) sa isinagawang Media Forum noong June 21, 2019 sa NEPPO hostel building.

Ayon kay Balayungan, ang tatlong barangay ay ang M.S. Garcia, Accfa at Imelda na pinangalanan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa pagkakaroon ng drug den sa mga naturang lugar.

Aniya, kasalukuyan na silang gumagawa ng mga hakbang upang mapababa ang kategorya ng mga barangay.

Base sa datos ng NEPPO, mula sa 849 barangay sa buong lalawigan, 677 ang nasa slightly affected, 95 ang moderately affected, 3 ang seriously affected at 74 naman ang naideklarang drug free.

Mula October 17, 2018 hanggang June 10, 2019 ay nakapagtala ang kapulisan ng 888 na Anti-Illegal Drug Operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 802 katao habang 230 naman ang napatay sa operasyon.

Sa tala naman ng pinakamaraming drug surrenderees sa Central Luzon, pangatlo ang Nueva Ecija na may humigit kumulang 22,000 na sumuko, pangalawa ang Pampanga at una ang Bulacan.

Ikinokonsidera ng otoridad na matagumpay ang kanilang kampanya kontra iligal na droga dahil sa patuloy na pagbaba ng krimen sa probinsiya. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *