3 ektaryang bukirin pataas, bibilhan na rin ng palay ng kapitolyo

Hindi na lilimitahan sa tatlong ektarya pababa ang bibilhan ng palay ng Provincial Food Council, kaya naman may pagkakataon nang makapagbenta ng kanilang aning palay ang mga may sinasakang tatlong ektarya pataas.

Sa kahilingan ni Governor Aurelio Umali ay inaprubahan at inadopt ng Sangguniang Panlalawigan sa ilalim ng Supplemental Agenda sa kanilang 23rd Regular Session noong Martes, June 23, 2020, ang bagong Resolution No. 002 of 2020 ng PFC na “A Resolution Lifting the Farm Size Limit for Eligibility to the Palay Price Support Program”.

Ayon kay Vice Governor Umali, dahil sa matagumpay na operasyon ng PFC at sa rekomendasyon na rin ng Department of Agriculture (DA) ay bibigyan ng pribelehiyo ang pamahalaang panlalawigan na makapagloan sa DBP at Land Bank of the Philippines para sa dagdag na pondo sa pamimili ng palay.

Sinabi ng bise gobernador na tanging ang Nueva Ecija lamang ang nakapagtatag ng Food Council sa buong PIlipinas bilang suporta sa mga lokal na magsasaka kaya suportado ito ng DA.

Binuksan man ani Vice Mayor Umali sa tatlong ektarya pataas ang maaaring magbenta ng palay sa provincial government uunahin pa ring bilhan ang mga maliliit na magsasaka.

Katunayan aniya bilang dagdag na tulong sa mga magsasakang may tatlong ektarya pababa ang bukirin ay bumili na rin ng harvester at thresher ang pamahalaang panlalawigan upang tugunan ang kanilang suliranin na hindi sila nabibigyan ng prayoridad tuwing anihan dahil inuuna ang mas malalaking ektarya kesa sa kanila.

Sinimulan ang pamimili ng palay ng provincial government noong nakaraang taon na may inisyal na pondong Php200-M, mula sa 1 ektarya pababa ay itinaas sa tatlong ektarya ang binilhan ng palay.— Ulat mi Jovelyn Astrero

Watch – 3 ektaryang bukirin pataas, bibilhan na rin ng palay ng kapitolyo


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *