3 suspek sa pagnanakaw at pagpatay ng 1 guro, kinasuhan sa San Jose City; bangkay ng pusher na nanlaban sa Gen. Natividad, naiuwi na

2 buwan na umanong nakalubog sa kanal ng irigasyon sa Linlingay, Muñoz ang natagpuang bangkay ng isang guro.

Sinampahan na ng kasong Robbery with Homicide sa San Jose City Prosecutor’s Office noong June 24, 2019 ang mga itinuturong salarin sa natagpuang bangkay ng isang guro sa irrigation canal ng NIA, Casecnan sa barangay Linlingay, Science City of Muñoz.

Kinilala ang mga suspek na sina Wilfredo Salvador Jr. y Cleto, Jeymar dela Cruz y Francisco kapwa residente ng San Jose City at Jun-Jun Lucer y Guardiano ng lungsod ng Muñoz.

Base sa report ng Muñoz Police Station, 12:55 ng hapon noong June 12, 2019 nang matagpuang nakalubog sa kanal ng irigasyon ang naaagnas na bangkay ng biktimang si Annah Marie Astrero y Tolentino, 39 years old, may asawa at residente ng Maypajo, Caloocan City.

Makaraan ang halos dalawang linggo, natukoy ang tatlong suspek sa isinagawang imbestigasyon ng pinagsanib-pwersa ng Muñoz at San Jose Police Stations.

Samantala, naiuwi na ng kanyang pamilya noong June 24, 2019 sa Pagsanjan, Laguna ang mga labi ng isang diumano’y pusher ng “shabu” na napatay sa buy-bust operation matapos manlaban sa mga otoridad sa bayan ng General Natividad.

Nanlaban umano sa mga pulis si Ronald Grevialde sa isinagawang buy-bust operation sa General Natividad.

Positibong kinilala ng kanyang anak ang suspek na si Ronald Grevialde y Cataluña, 56-anyos, may asawa, helper, tubong Laguna at nanirahan sa barangay Poblacion, Natividad.

Ayon sa ulat ng pulisya, 1:40 ng madaling araw noong June 20, 2019 nang paputukan ng suspek ang pulis na nagpanggap na bumibili ng droga ngunit nagmintis ito.

Dahil dito ay binaril ng mga otoridad si Grevialde na nagresulta sa pagkamatay nito habang ang kasabwat nito ay mabilis na tumakas sakay ng isang motorsiklo.- ulat ni Clariza de Guzman.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *