300 resolusyon at 75 ordinansa, ipinasa ng SP-Cabanatuan

Iniulat ng tanggapan ng Sangguniang Panlungsod (SP) ng Cabanatuan na nakapagpasa na ng 300 resolusyon at 75 ordinansa ang kapulungan mula taong 2016 hanggang sa kasalukuyan.

Ginawa ang pag-uulat sa pagsilbi ng SP bilang host ng Flag Raising Ceremony sa City Hall noong lunes, April 30, 2018.

Ayon kay SP Secretary Atty. Jun Coronel, mula ng maupo ang mga miyembro ng Sanggunian sa pangunguna ni Vice Mayor Anthony Umali ay nakapagpasa ang Sanggunian ng tatlong daang resolusyon na kinabibilangan ng Cash Assistance para sa mga senior citizens, pagbili ng lupa sa Brgy Bakod Bayan para sa programang pabahay, pagtatayo ng Child Development Center, instalasyon ng Solar Power Plant at marami pang iba.

Habang, pitumpu’t limang ordinansa naman ang inaprubahan ng kapulungan.  Ilan sa mga ito ay ang Gender and Development Code, land convertions at accreditation ng Civil Society Organizations (CSO).

Binanggit din ng Sekretarya ang kasalukuyang mga nakabinbing panukala sa Sanggunian.

Kagaya nang libreng sine sa mga senior citizen at Persons With Disability(PWD), regulation ng tricycle fare, overloading sa pampublikong sasakyan at ang dalawang taon ng nakatengga na panukalang ordinansa ni Kon. Gave Calling na naglalayon na mabigyan ng libreng bakuna ang mga empleyado ng City Health Department.

Ayon kay Vice Mayor Anthony Umali,  ang bawat panukalang dumaraan sa Sanggunian ay pinipili ng kapulungan na suriin at masusing pag-aralan bago aprubahan.

May mga pagkakataon lang aniya na nagtatagal ang panukala kapag hindi sumisipot ang mga department heads ng City Government sa panahon na kailangan sila sa pagdinig.

Gayunpaman, ay umaasa si Umali na mas mananaig ang Malasakit at Matapat na Paglilingkod sa mga Cabanatueño kaysa sa umiiral na pagkakaiba ng kulay ng politika sa lungsod.

Ang pamahalaan bayan at lungsod ay binubuo ng dalawang sangay ang lehislatibo (legislative) at ehekutibo (executive). –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *