Kasalukuyan ng tinutugunan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Aurelio Matias Umali ang kahilingan ng mga Novo Ecijano na malinis at maayos ang mga farm lands, dike, kalsada at iba pang inprastrakturang sinira ng bagyong Lando at Nona.
Sa tulong ng mga bagong equipment ay unti-unti ng naibabalik sa dati ang ilang lugar sa probinsya partikular ang mga Bayan ng Gabaldon, Laur at Bongabon na pinaka-naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.
Ayon kay Provincial Engineer Arthur Yap, malaki ang demand ng mga equipment sa probinsya dulot ng nagdaang bagyo, kaya upang matugunan ang mga request mula sa mga barangay ay nagkaloob ng karagdagang equipment ang Pamahalaang Panlalawigan.
Ilan sa mga bagong equipment na ito ay ang mga 10 wheeler dump trucks,backhoe, loader, pison, water tanker at grader.
Dagdag ni Engineer Yap, napakalaking tulong ng mga equipment na ito para sa mga Novo Ecijano, partikular na sa mga mamamayang tanging pinagkukunang hanap-buhay ay ang pagsasaka.
Humingi naman ng paumanhin si Engineer Yap sa ilang mga nakapending pang mga request sa ibang bahagi ng probinsya, ngunit siniguro naman nitong matutugunan ng Pamahalaang Panlalawigan ang kanilang mga hinaing sa oras na dumating na ang ilan pang mga equipment para sa pagsasaayos ng iba pang mga inprastrakturang nasira ng bagyo. – Ulat ni Shane Tolentino
Copyright © Dobol P 2007-2019