35 days free pattern and dress making training ng PGNE at TESDA, nasa ikalawang linggo na

Higit tatlumpung miyembro ng TALA o Tanglaw at Lakas ng Cabanatuan ang sumasailalim sa libreng pattern at dress making training ng pamahalaang panlalawigan sa pakikipagtulungan ng TESDA o Technical Education and Skills Development Authority.

Nagsimula ang naturang training nitong May 4 sa Provincial Dormitory, Old Capitol Compound at tatagal ito ng tatlumpu’t limang araw.

Ayon kay Remedios Agotaya, trainer mula sa TESDA, itinuturo niya ang proseso sa pananahi mula sa tamang pagkuha ng body measurement hanggang sa finishing ng produkto. 

Pahayag naman ni Mark Medina, manager ng Eastern Sunrise Training Institute na kaakibat ng TESDA, pagkatapos ng training ay magkakaroon sila ng competency assessment kung saan susuriin kung sapat na ang mga natutunan at kakayahan ng mga ito para magkaroon ng NC2 o National Certificate 2 mula sa TESDA.

Isa sa mga lumahok sa nasabing training ay si Ofelia Causon na mayroong maliit na sari-sari store. Aniya, pagkatapos ng kanilang training ay plano niyang tumanggap ng mga patahi upang magkaroon ng dagdag na kita.

Para naman kay Thelma Bauto, napakalaking tulong sa kanila ng training dahil nadagdagan ang kaalaman nila sa pananahi at maaari nilang itong gawing hanap-buhay.

Ayon pa kay Elizabeth Bernardo, officer-in-charge para sa training, magkakaroon pa sila ng mga susunod na batch kaya inaanyayahan niya ang mga iba pang Novo Ecijano na bumisita sa kanilang tanggapan sa Old Capitol Bldg. upang malaman ang proseso at benepisyong makukuha sa training. -Ulat ni Irish Pangilinan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *