Public hearing, inilunsad para sa Bypass Road Project mula Bayan ng Peñaranda hanggang Cabiao

Naglunsad ng public hearing sa mga Bayan ng San Isidro at Peñaranda ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija noong Hulyo 19, 2018  na dinaluhan  ng mga Local Government Units at ng mga property owners na maapektuhan ng gagawing bypass road.

Sa presentasyon ni Engr. Dennis Agtay, Hepe ng Provincial Planning and Development Office sinabi nito na layunin ng kapitolyo na ipaliwanag ang Road Opening Construction/Widening Upgrading  Rehabilitations  of Roads na dadaan mula Peñaranda, Gapan City, San Isidro hanggang Cabiao na may sukat na humigit kumulang 23 Kilometro at may pondong kulang 1.2 Bilyon pesos; at para marinig ang opinyon at komento ng mga may-ari ng ng mga lote.

Problema aniya ng lalawigan ang limitadong road network kaya nagkakaroon ng mabigat na daloy ng trapiko sa mga nasabing bayan kaya isa ang bypass road sa mga pagawaing proyekto upang matugunan ito.

Hati naman ang naging opinyon ng tatlumpong nagmamay-ari ng lupaing posibleng maapektuhan sa gagawing daan sa bayan ng San Isidro katulad na lamang ni Josielyn Magno na pabor sa proyekto salungat kina Robert Hipolito at Eliserio Matias na parehong hindi pabor dahil maliit anila ang halagang ibabayad sa kanila.

Paliwanag ni Agtay na kung may mga tututol ay mapipilitan ang pamahalaang panlalawigan na ipataw ang Eminent Domain o karapatang gumamit ang estado ng pribadong lupain para sa pampublikong proyekto.

Pagkatapos sa San Isidro ay nagsagawa rin ng konsultasyon  sa Peñaranda ang PPDO, Provincial Assessor and Engineering kung saan hinikayatni Mayor Ferdinand “Blueboy” Abesamis ang nasasakupan na tangkilin ang proyekto dahil ang gagawing kalsada ay makatutulong sa pag-unlad ng kanilang bayan.

Aprubado naman sa 17 property owners ng Peñaranda  katulad na lamang nina Willie Soria, Ronald Padilla at Teresita Aberin ang kalsada dahil mapapabilis ang pagbibyahe nila ng kanilang mga produktong pang-agrikultura,  magiging mura ang pamasahe  at iba pa.

Planong simulan ang proyekto bago matapos ang taong 2018. Magkakaroon naman ng susunod na public hearing sa dalawa pang lugar na masasakupan ng bypass road, sa lungsod ng Gapan at Cabiao sa darating na     Biyernes Hulyo 27, 2018.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *