4 NA RESOLUSYONG INIHAIN NG MGA MIYEMBRO NG PDRRMC NA BAHAGI NG PAGHAHANDA SA LINDOL, APRUBADO NA

Inaprubahan ng mga miyembro ng (PDRRMC) Provincial Disaster Risk Reduction Management ang apat na resolusyon na naglalayong maisaayos ang ilang tulay, kalsada at makapagpatayo ng ilang  evacuation center sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Nueva Ecija na bahagi ng paghahanda sa nakaambang paggalaw ng West Valley Fault na nakasentro sa Metro Manila.

 

Nakasaad sa apat na resolusyon na magkakaroon ng rehabilitasyon sa ilang kalsada at tulay sa bayan ng Bongabon, San Antonio at Laur.

 

Habang ilang evacuation center naman ang ipapatayo sa ilang brgy. sa  mga bayan ng Gabaldon at Gen. Natividad.

 

Manggagaling sa calamity fund ng PDRRMC o limang porsyento nito ang ibabawas upang matugunan ang pondong gugugulin sa mga nasabing pagpapagawa na aabot sa P45,611,873.

 

Ayon kay PDRRMC Head Benzelito Parumog na bagaman hindi direktang tinukoy ng PHIVOLCS Philippine Institute of Volcanology and Seismology na kabilang nga ang lalawigan sa mga maaaring daanan ng West Valley Fault ay sinisiguro na nila sa pangunguna ni Nueva Ecija Gov. Aurelio “Oyie” Umali ang kahandaan ng probinsya sa tinatayang pagdating ng isa sa mga pinakamalakas na lindol sa kasaysayan  at tinaguriang, “The Big One”.

 

Sa katunayan, magkakaroon din ng malawakang earthquake drill sa darating na Hulyo upang maturuan ang publiko kung paano at ano ang mga dapat tandaan kapag naramdaman na ang paglindol.

 

Samantala dagdag pa ni Parumog na bagaman hindi kasali ang Nueva Ecija sa mga daraanan ng West Valley Fault ay may sarili naman itong fault na tinatawag na “Digdig Fault” kung saan bumabagtas ito sa mga bayan ng Laur, Dingalan, Gabaldon, Palayan, San Jose, Carranglan at Pantabangan.

 

Pero paglilinaw niya, walang dapat ipangamba ang mga Novo Ecijano dahil kung sakaling gumalaw ang West Valley Fault ay hindi ganoon kalakas ang epekto nito sa Digdig Fault.

 

Sa tala kasi ng PHIVOLCS, anumang oras ay maaaring gumalaw ang west valley fault na babagtas sa mga lugar ng Makati, Quezon City, Bulacan, Cavite, Rizal, Pasig City, Taguig, Muntinlupa at Laguna.-Ulat ni Mary Joy Perez

[youtube=http://youtu.be/-IAk0RNHy_o]


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *