4 na services, maaari nang i-proseso sa PRC sa OSSCO, Palayan City

Nakapagbibigay na ng serbisyo sa mga Novo Ecijano ang PRC o Professional Regulation Commission na kabilang sa labing apat na mga ahensya ng Gobyerno na bumubuo sa OSSCO o One Stop Service Center for OFWs sa Nueva Ecija Government Center and Central Business Hub, Palayan City.

Ang mga serbisyong ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod: Renewal of ID, Authentication of ID, Authentication of Board Certificate at Filing of Application for Examination.

Para sa mga nagnanais na magrenew ng ID kinakailangan lamang magfill-up online, bisitahin lamang ang prc-online.com at pagkatapos ay magbayad sa pinakamalapit na Bayad Center tulad ng LBC at 7 eleven ng halagang P450 kapag updated. I-print out ang form, dalhin ang CPD o Continuing Professional Education units na requirements ng PRC at pumunta sa kanilang Tanggapan sa OSSCO.

Para sa authentication ng ID at authentication ng board certificate, kinakailangang ipa-photo copy ang inyong ID ng back to back pero siguraduhing may pirma kayo sa likod, samahan ng dalawang documentary stamp na nagkakahalaga ng P75.00 ang isa at magtungo sa kanilang opisina.

Sa application for examination naman ay kinakailangan din munang magfill up online, magbayad sa mga bayad centers ng halagang P900 para sa mga Baccalaureate o College Bachelor’s Degree at P600 para sa mga Non-Baccaulaureate.

Makikita din online ang mga kinakailangang dalhin na mga dokumento o requirements para sa kukuning eksaminasyon.

Ayon kay Joselito Dulay, Supervising Professional Regulation Officer ng PRC, nagrerequest pa sila ng karagdagang opisina upang mas mapalawak pa ang mga serbisyong maihahatid nila sa mga mamamayan.

Kung sakaling maaaprobahan ay maidadagdag na rin sa kanilang serbisyo ang Certification at Authentication of Ratings.

Bukas sila tuwing araw ng Lunes hanggang Biyernes, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.—Ulat ni Jovelyn Astrero


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *