41 local companies at overseas agencies, nag-alok ng trabaho sa mga Novo Ecijano

Matagal ng pangarap ni Karen Dioniso na magtrabaho sa barko, kaya naman nang mabalitaan niya na mayroong Crew Ship Company na kasama sa Jobs Fair sa isang mall sa Cabanatuan ay hindi na siya nagdalawang isip na mag-apply.

Isa lamang si Karen sa mahigit kumulang dalawang daang job seekers na hindi na pinalagapas ang pagkakataon na makahanap ng trabaho sa Ika-apat na Jobs Fair ng Pamahalaang Panlalawigan ngayong taon.

Ayon kay Provincial Public Employment Service Office (PESO) Manager Maria Luisa Pangilinan, hangad ng pamahalaan na mailapit ang mga employer sa job seekers upang matulungan ang mga aplikante na makahanap ng maayos na trabaho.

Sa tala ng PESO, tatlumpu’t dalawang local companies at siyam na overseas agencies ang nag-alok ng mga bakanteng posisyon para sa mga tiga-Nueva Ecija.

Ang Jobs Fair ay sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment, Department of Trade and Industry, Philippine Overseas Employment Administration, Technical Education and Skills Development Authority at SM City Cabanatuan.

Ang programa ay bilang bahagi rin ng pagdiriwang ng Ika-walumpu’t limang anibersaryo ng DOLE.

Ayon kay Maylene Evangelista Provincial Director ng DOLE-Nueva Ecija, ang Jobs Fair na Trabaho, Negosyo at Kabuhayan ay handog sa mga Novo Ecijano, upang mabigyan ng pagpipilian ang mga aplikante sa pagkakaroon ng maayos na trabaho, skills training at akmang negosyo o kabuhayan.

Kung ito ay inyong na-miss, maaring bisitahin ang facebook page ng Provincial Peso Nueva Ecija upang manatiling updated sa kanilang tanggapan. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *