5 pang suspek sa pagpatay kay Fr. Nilo, patuloy na tinutugis

Alas-6:30 ng gabi noong huwebes, June 14, naaresto ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Fr. Richmond Nilo na kinilalang si Adell Roll Milan na naaresto ng mga pulis sa Brgy. Malapit, San Isidro.

Sa pamamagitan ng follow-up operation ng Special Investigation Task Group (SITG) “Nilo” ay nadakip si Milan na positibong kinilala ng sakristan na kasama ng pari nang siya ay pinagbabaril noong June 10, habang naghahanda sa banal na misa sa Brgy. Mayamot, Zaragoza.

Ayon kay Regional Director PCSUPT Amador Corpus, patuloy pa rin tinutugis ng SITG at Nueva Ecija Provincial Police Office (NEPPO) ang lima pang suspek na ang dalawa sa kanila ay mayroon ng cartographic sketches at computerized illustrations.

Base sa nakalap na CCTV footage ng pulisya, pasado alas 02:30 ng hapon noong linggo may namataang motorsiklo at kotse na nagmamanman sa pupuntahan ni Fr Nilo. Aabot raw sa limang ulit sila nakita sa CCTV sa pupuntahan ng pari.

Makikita rin sa footage ang pagdaan ng kotse ni Fr Nilo.

Bandang 04:50 ng hapon ng mamataan naman ang tatlong lalaki na nakasakay sa motorsiklo at bago matapos ang misa ay nagkunwaring magsisimba ang mga suspek kung saan nagmimisa si Fr. Nilo.

Alas 05:50 ng hapon ng matapos ang misa ay muling nakita sa CCTV ang pagdaan ng kotse at motorsiklo na may sakay na tatlong lalaki.

Makalipas ang apat hanggang limang minuto ay bumalik ang motorsiklo na sakay na ang gunman.

Bagamat aminado na dating gumagamit ng iligal na droga si Milan ay itinanggi nito na siya ang nasa likod ng pagpatay.

Nauna ng nabatid, na tatlo ang posibleng motibo sa pagpatay kay Fr Nilo ang away sa lupa, pagtulong ng pari sa biktima ng pangmomolestya at alitan sa relihiyon.

Panawagan ng pulisya sa publiko, agad ipagbigay alam sa kanila ang anumang impormasyon para sa mabilis na pagresolba ng kaso. –Ulat ni Danira Gabriel


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *