500 Food packs, ipinamahagi sa mga benepisyaryo ng Food For Work Program sa Nampicuan

Pasasalamat ang naging  bukang bibig ni Nanay Virginia Ramirez  na isa sa benepisyaryo ng Food for Work Program ng DSWD Region 3 sa Nampicuan.

Ang pamimigay ng food packs ay ginanap sa kanilang gymnasium nitong lunes March 2 kasama ang mga kawani ng Provincial Social Welfare Development Office sa pangunguna ni Mayor Victor Bador at  Governor Aurelio Umali.

Ayon kay Nanay Virginia  malaki ang maitutulong nito sa kanyang pamilya at nawa aniya ay maging benepisyaryo pa rin sya ng programa na ito sa susunod na mga taon.

Ang Food for Work Program ng Department of Social Welfare and Development Region 3  ay ibinaba  sa mga mararalitang mamamayan ng   6 na Bayan ng Nueva Ecija kung saan napili ng DSWD ang mga Munisipalidad ng Lupao, Nampicuan, Carranglan, Gabaldon, Sto Domingo at Pantabangan.

Bilang kabayaran sa serbisyo ng mga mamamayan  ay ipinamimigay ang 3,000 food packs sa anim na Munisipalidad  na hahatiin sa 500 kahon per bayan.

Pinili ng DSWD ang mga benepisyaryo sa pamamagitan ng kanilang Listahanan program na  kanilang naging basehan upang malaman kung sino ang mga mararalitang pamilya  sa bawat barangay ang  nangangailangan ng tulong.

Ang Food packs  na kanilang ibinigay  ay kabayaran sa dalawang araw na serbisyo ng mga mamamayan sa  kanilang barangay sa pamamagitan ng pagdadamo, pag tatanim ng puno, paglilinis ng mga estero, kanal, kalsada  at iba pang proyekto sa kanilang lugar.

Ang kada kahon ng pagkain ay naglalaman ng anim na
kilong bigas, mga de lata, at kape.

Sa aming panayam  kay Tatay Ricardo de Guzman bilang isang magsasaka dagdag  na  tulong sa kanilang pamilya ang programa na ito dahil ang pera  na kanyang kinikita sa pagsasaka ay napupunta lamang sa pambayad ng utang.

Bukod sa mga benepisyaryo ay lubos din ang naging pasasalamat ni Mayor Victor “Vic” Bador ng Nampicuan dahil isa ang kanilang Munisipalidad sa napili sa programang Food for Work program na napapanahon at kinakailangan ng mga mamamayan .

Pinanukala ni Governor Aurelio Umali ang programa na ito sa DSWD Region 3  na taun-taong ginaganap sa mga piling bayan ng Lalawigan ng Nueva Ecija.

Sa mensahe ni Governor Oyie  maliit man ang bayan ng Nampicuan ay mahalagang  kabahagi pa rin ito ng Lalawigan ng Nueva Ecija at ang  daan tungo sa pag unlad ay ang pagtutulungan ng bawat isa.  – Ulat ni Amber Salazar

Watch – 500 Food packs, ipinamahagi sa mga benepisyaryo ng Food For Work Program sa Nampicuan


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *