500 Tourism Officers ng Central Luzon, nagdiwang ng 5th ATOCEL Regional Conference 2018

Halos limang daang partisipante na binubuo ng Tourism Officers, Council members, Stakeholders, Establishments Advocates, Micro, Small and Medium Enterprises Development Council, at Academe na nagmula pa sa pitong probinsya ng Central Luzon ang dumalo sa 5TH Association Of Tourism Officers of Central Luzon Convention (ATOCEL) na ginanap sa Nueva Ecija Convention Center, Palayan City, noong Agosto 30, 2018.

Sa aming panayam kay Lorna Mae Vero, Provincial Tourism Officer, isang kagalakan na sa lalawigan ginanap ang isang pang-rehiyon na gawain dahil sa pamamagitan ng ganitong pagtitipon ay maghahatid ito ng mga turista sa lalawigan at makapagbibigay ng hanap-buhay sa mga kababayan.

Ibinahagi rin nito na lalo aniyang palalakasin ng pamahalaang panlalawigan ang farm tourism, na bukod pa sa nakilala ang Nueva Ecija bilang The Rice Granary of the Philippines, Food Basket of Luzon, Onion Capital of the Philippines at ang Dairy Carabao Industry.

Ipinagmalaki naman ni Senator Cynthia Villar, isa sa Guest Speakers ng ATOCEL, na maraming magagandang pasyalan na makikita sa lalawigan na wala sa ibang lugar. Isa rin sa Industriya na dapat mas lalong paunlarin sa isang lugar ay ang Turismo dahil malaki ang magiging pakinabang nito.

Binati naman ng Senadora ang Central Luzon Association sa pagiging aktibo nito sa taun taong pagsasagawa ng mga aktibidad para palakasin ang turismo.

Para naman kay Board Member Rommel Padilla na isa sa Tourism Committee, malaking tulong sa lalawigan ang pagdaos ng ATOCEL dahil pagkakataon na rin ito na makita ng mga delegado ang magagandang pasyalan sa lugar.

Ibinahagi pa nito na kamakailan lamang ay napagtibay na ang Tourism Code of Nueva Ecija ng Sangguniang Panlalawigan na kung saan ito umano ang magbubukas ng mas malaking oportunidad sa lalawigan.

Layunin ng programa na palakasin ang turismo sa lalawigan, magbukas ng mas malaking oportunidad sa bawat pamilya, komunidad at buong lalawigan.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *