600 Residente ng Brgy. Bagting sa Gabaldon, Tumututol sa Pagpapaputol ng mga Puno sa Watershed

1 Ipinahayag ng mahigit kumulang anim na raang residente ng barangay Bagting sa bayan ng Gabaldon sa pamamagitan ng isang petisyon ang kanilang matinding pagtutol sa pagpapaputol ng three hundred twenty na G-melina puno na nakatanim sa nasasakupan ng watershed ng bundok.

Nagbigay ng pahintulot ang Department of Environment and Natural Resources, Lokal na Pamahalaan ng Gabaldon, at Pamahalaang Barangay ng Bagting sa Segum Upland Farmers Association Incorporated sa pamumuno ni Silvino Calonzo upang mamutol at umani ng mga melina sa 353 ektaryang lupa sa taas ng bundok sa loob ng siyam na buwan.

2Tumututol ang mga residente dahil nangangamba sila na kung hindi ititigil ang pamumutol ng mga matatandang puno na umaabot na sa dalawampo at walong taon ay magdulot ito ng pagguho ng bundok at pagkakaroon ng matinding pagbaha kapag nagkaroon ng kalamidad na maaaring makasira sa kanilang ari-arian at kumitil ng buhay.

Dininig naman ng mga namumuno sa barangay sa pangunguna ni Kapitan Edwin Lacandoza ang hinanaing ng mga  taga-Bagting sa ginanap na pagpupulong kahapon kung saan dumalo si Vice Mayor Jobby Emata, at mga kinatawan mula sa DENR.

3Bagaman ipinaliwanag nina Kapitan Lacandoza, Vice Mayor Emata, at DENR na dumaan sa tamang proseso at masusing pag-aaral ang pagpapaputol ng mga puno ay nais pa rin itong ipatigil ng mga taga-Bagting.

Dahil dito ay napagkasunduan ng mga residente ng Bagting at mga namumuno sa lokal na pamahalaan na ipatigil pansamantala ang pagpapaputol ng mga puno at sama-samang umakyat sa bundok ngayong araw upang inspeksyunin ito bago magkaroon ng pinal na aksyon sa petisyon ng mga residente.- ulat ni Clariza de Guzman


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *