650 faceshields, ipinamahagi ng Rotary Club Cabanatuan City East District sa Sangitan Market

Nagpamahagi ng face shields sa Sangitan Public Market sa Cabanatuan City ang mga opisyal at miyembro ng Rotary Club Cabanatuan East District 3770 noong Martes, September 1, 2020.


Kasama si Nueva Ecija Vice Governor Anthony Umali ay personal nilang inabot ang 650 face shields sa mga vendors.

Pagsusuot ng face shield, mandatory na sa mga pampublikong lugar

Sinimulan noong August 15, 2020 ay ipinatupad na ng gobyerno ang pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong lugar bilang proteksyon sa COVID-19 kaya naman para makatulong sa mga mamamayan ay naisipang gawing proyekto ng Rotary Club ang pamimigay nito.

Ayon kay Ceasar “Budoy” Cipriano, Presidente ng Rotary Club of Cabanatuan East, pinili nilang benepisyaryo ang mga nagtitinda sa Sangitan Market dahil maituturing din silang mga frontliner na humaharap araw-araw sa iba’t ibang tao kabilang ang mga mamimili ng kanilang produkto.

Matatandaan na base sa tala ng Department of Health Nueva Ecija, apat na mga vendor sa Sangitan ang idineklarang nagpositibo sa COVID-19 na naging sanhi nang pagpapasara nito noong July 13 upang i-disinfect.

Tumagal ang pagpapatigil ng operasyon ng nasabing pamilihan ng labing apat na araw at muling binuksan noong July 27, 2020.

Rotary Club, mamimigay din ng mga alcohol dispenser sa mga pampublikong paaralan sa Cabanatuan City

Isa lamang ang face shield distribution sa mga proyekto ng Rotary Club ngayong may pandemya dahil noong buwan ng Agosto ay nauna na silang namigay ng alcohol dispenser sa NE Pacific Mall at SM malls dito sa Cabanatuan.

Patuloy pa rin ang kanilang paglilibot sa iba’t ibang public school sa Cabanatuan City upang magpamahagi ng mga alcohol dispenser.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *