7 bayan at 3 lungsod sa Nueva Ecija na naapektuhan ng COVID-19 nakatanggap ng isda mula sa Bureau of Customs (BOC)

Nabigyan ng tig-250 boxes ng frozen fish ang 7 bayan at 3 lungsod sa Nueva Ecija na naapektuhan ng pandemya dulot ng COVID-19 mula sa Bureau of Customs (BOC) noong June 4, 2020.

Inatasan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magsagawa ng assessment at piliin ang mga bayan at lungsod base sa dami ng mahihirap na pamilya na naninirahan rito.

Batay sa ginawang pagtukoy ng DSWD, napili ng ahensya ang mga mga bayan ng General Mamerto Natividad, Licab, Llanera, Nampicuan, Peñaranda, Quezon, Talugtug, mga lungsod ng Gapan, Palayan, at Lungsod Agham ng Muñoz bilang mga lugar sa lalawigan na nangangailangan ng suporta.

Ayon naman kay Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Chief Elvie Ronquillo, ang mga nabigyang pamilya ay nakabase sa listahan ng mga low-income families na naitala ng kani-kanilang Local Government Units (LGUs) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Nagpapasalamat si Ronquillo sa Bureau of Customs sa pamimigay ng donasyon, sa DSWD at kay Governor Aurelio Umali sa pagsasakatuparan ng operasyon upang mabigyan ng biyaya ang mga Novo Ecijanos. – ulat nina El dela Cruz/Shane Tolentino

Watch – 7 bayan at 3 lungsod sa Nueva Ecija na naapektuhan ng COVID-19 nakatanggap ng isda mula sa Bureau of Customs (BOC)


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *