8 may Cleft Palate, libreng naoperahan sa tulong ng Kappa Epsilon Fraternity

Ilan sa mga naging pasyente ay nasa murang edad, kaya naman masaya ang kanilang mga magulang dahil nagkaroon ng ganitong programa at nagkaroon din ng panibagong ngiti ang kanilang mga anak.

Isa sa walong benepisyaryo ang apat na buwang anak ni Maricris Bayrante  na si Maria Krishna Jane Pangilinan mula sa Padre Crisostomo, Cabanatuan City na isinilang na may cleft palate, malaki ang pasasalamat nito dahil  nagkaroon ng libreng operasyon para sa mga katulad ng kaniyang anak.

Ang cleft lip ay kondisyon kung saan mayroong hiwa sa labi ng isang bata. At ang cleft palate ay hiwa o butas sa ngala-ngala na umaabot sa ilong at maaring maging sanhi ng pagiging ngongo ng isang bata.

Ang karaniwang nagiging sanhi sa pagkakaroon ng cleft palate o cleft lip ay ang paninigarilyo at pag-inom ng alak ng mga magulang habang nasa sinapupunan ang sanggol.

Katuwang ng Kappa Epsilon Fraternity/Sorority sa nasabing programa ang Provincial Government, Rotary International, ELJ Memorial Hospital at Health Line private nurse group at ng Techno Philippines Innovation Corp.

Ayon sa Secretary ng KE Council na si Gen Ramos Gonzales, layunin ng nasabing programa na matulungan ang mga may cleft palate na mailayo sila sa pambubully at mabago ang kanilang landas na tatahakin sa kanilang paglaki.

Noong nakaraang biyernes ng March 6 ng ipasok o i-admit sa ELJ Hospital ang mga benepisyaryo na pumunta sa tanggapan ng nasabing programa upang magpailista o mapabilang sa libreng operasyon, March 7 ng isalang sila sa operating room at March 8 naman ng nakauwi sila sa kanilang mga tahanan.

Bukod naman sa libreng gamot at operasyon ay marami pang ibang proyekto na naisagawa ang grupo ng kanilang KE Council, isa na rito ang Taal Gift Giving matapos ang pagsabog ng bulkang Taal.

Susunod rin umano nilang proyekto ay ang Tuli Caravan, kung saan iikutin ang bawat bayan sa lalawigan upang maghatid muli ng libreng serbisyo para sa paghahanda ng mga kalalakihan  sa kanilang pagbibinata. Ulat ni Myrrh Guevarra

Watch – 8 may Cleft Palate, libreng naoperahan sa tulong ng Kappa Epsilon Fraternity


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *