82 anyos na lola, ginahasa umano ng isang binata sa Zaragoza!

Nag-viral ang isang post sa facebook patungkol sa isang lola na ginahasa ng isang binata na  kinupkop ng mga pulis sa  Barangay Del Pilar East, Zaragoza Nueva Ecija.

Sa post ni Donnabelle Solomon ay kinilala  ang binata na si Angelo Alyas ‘Bagyo’ Blanca Sarmiento, bente uno anyos at residente ng Barangay Macarse, Zaragoza habang  ang  biktima naman ay Otsenta’y dos anyos at isang retiradong guro.

Nagtungo ang team ng balitang unang sigaw sa bayan ng Zaragoza upang kumpirmahin ang nasabing nag-viral na post.

Ayon kay PCP1 Edlyn D. Bernan, Assistant Women and Children’s Protection Desk Police Non-Commissioned Officer, kinupkop nila  ang binata dahil sa pakiusap ng lola nito na hindi na kayang itaguyod ang apo dahil wala itong hanap buhay. Sa pananatili sa himpilan ni bagyo ay tinutulungan sila ng binata sa paglilinis , pagluluto, at  pag aayos sa istasyon.

Dati aniyang may kaso si Sarmiento na “Malicious Michief” ngunit na-dismissed na ito noong February 2019 taliwas sa kumakalat na detainee  ito sa istasyon.

Base sa pagsisiyasat ng kapulisan ay napag alamang si Bagyo ang may sala dahil nakita nila itong umuwing duguan ng madaling araw, maging ang tulugan at pader na dinaanan nito ay may mga  bakas ng dugo.

Sinampahan na ng kasong rape sexual abuse ang binata at nasa kustodiya  na ito ng Nueva Ecija Provincial Jail.

Kasalukuyang nagpapagaling naman ang biktima sa kanilang tahanan.

Napakasakit para kay Lola Fe ang nangyari dahil iginagalang aniya siya at nirerespeto sa kanilang barangay bilang isang retiradong guro.

Ikinuwento naman ni Lola Remedios Solomon, ang pangyayari. Patulog na aniya silang mag-asawa ng kalampagin ito ng kapatid at humihingi ng saklolo. Nang buksan anito ang pintuan ay tumambad  ang duguang kapatid sa maselang bahagi nito.

Agad nilang isinugod sa Dr. Paulino J. Garcia  Memorial  Research and Medical Center si Lola Fe. Sumailalim sa limang x-ray si Lola Fe base sa Medico Legal at doon napag-alaman na sinakyan,  sinakal ang matanda at ginahasa ito.

Hustisya ang sigaw ng kaanak ni Lola Fe dahil na-trauma anila ang matanda sa hindi makataong ginawa sa kanilang mahal sa buhay.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *