87.5% NG 64 SOLO PARENT NA NEPG EMPLOYEE, MAS NA-EENJOY ANG 7 DAYS LEAVE KUMPARA SA IBA PANG BENEPISYO NG SINGLE PARENT LAW

Mas naeenjoy umano ng 87.5% ng 64 solo parent na empleyado ng pamahalaang panlalawigan, ang 7 days leave na benepisyo ng Republic Act No. 8972 o Single Parent Law kumpara sa iba pang benepisyo nito, ayon sa isinagawang survey ng PSWDO o Provincial Social Welfare and Development Office.

Maliban pa sa 8 days leave na maaaring ma-avail ng isang Government Employee ay may karagdagan pang 7 days leave na benepisyo ang Solo Parent Law.

Lumabas sa survey ng PSWDO, na napakahirap para sa isang single parent ang hatiin ang kanilang oras para sa kanilang mga anak at trabaho.

Kaya labis ang kanilang katuwaan ng ma-avail nila ang benepisyo ng karagdagang 7 days leave ng naturang batas.

Ang mga pribilehiyong nasasaad sa batas na maaaring ma-avail ng solo parent ay ang flexible work schedule, malaya sa diskriminasyon, at ang 7 days leave of absence kada taon, bukod pa dito ang mga solo parent na below poverty level ay may benepisyo ng educational scholarship na maaaring i-apply sa TESDA o Technical Education and Skills Development Authority, DepEd o Department of Education at CHED o Commission on Higher Education, at housing benefit na pwedeng i-apply sa NHA o National Housing Authority.

Ayon sa Section 3 (a) ng R.A 8972, ang isang solo parent ay isang tao na naiwan ang responsibilidad o pag-aaruga ng anak sa ilalim ng mga kategoryang: babae na nagsilang gawa ng rape o iba pang krimen; balo; nakulong ang asawa ng isang taon; physically at mentally incapacity ang asawa; annulled; inabandona ng asawa sa loob ng isang taon; hindi kasal; at sinumang miyembro ng pamilya na umako sa pagiging head ng pamilya.

Ang mga benepisyo ng pagiging solo parent ay hindi pang habang buhay, ayon kay Shirley Angeles NG PSWDO.

Ipinatupad ang R.A 8972 noong November 28, 2000, sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada.- Ulat ni Shane Tolentino


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *